Impeachment na
NOONG nakaraang linggo, sinabi ni President Bongbong Marcos Jr. sa mga kaalyado sa Kongreso na huwag ituloy ang paghain ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte. May mga nais maghain ng impeachment dahil sa pagbanta ni Duterte sa buhay ni BBM, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez at iba pang mga isyu sa tanggapan nito. Sayang lang daw ang oras at hindi daw importante ang Vice President. Matatali lang ang Kongreso at hindi maaasikaso ang mga mas mahalagang isyu.
Pero ganun pa man, 16 na mamamayan ang naghain ng impeachment at may suporta na ilang miyembro ng Kongreso. Kailangang aksyunan ang reklamo pero ang problema ay ilang araw na lang at magbabakasyon na ang Kongreso. Hindi naman daw ito hadlang sa pagpapatuloy ng impeachment.
Naglabas naman ng ulat ang Philippine Statistics Authority (PSA) na wala silang rekord na may ipinanganak, kinasal o namatay na may pangalang Mary Grace Piattos. Siya kasi ang tumanggap ng pondo mula sa Office of the Vice President (OVP) batay sa mga resibong ibinigay ng OVP. Sa pangalan pa lang ay kaduda-duda na. Kung sinuman ang nag-isip ng pangalan na tila sinadya ang malinaw na pagtukoy sa isang kilalang kainan at sitsirya.
May tumanggap naman ng pondo mula sa OVP at DepEd na may magkaibang lagda. Ilan lang ito sa mga nais ng Kongreso na ipaliwanag ng OVP at DepEd, pero imbis na magpaliwanag ay hindi dumalo sa mga pagdinig. Tila paglilihis ang ginagawa ng mga opisyal ng OVP at DepEd na pinangungunahan ni Duterte.
Kaya ngayon, magkatunggali na talaga ang mga kampo nina Marcos at Duterte. Panay ang parinig ni Duterte ngayon na pinagsisisihan niya ang tambalan nila ni Marcos, at siya na dapat ang naging Presidente kung ginusto niya. Siguradong hindi na maaayos ang gusot nina Marcos at Duterte. Walang magagawa ang taumbayan kundi subaybayan na lang ang dramang ito.
- Latest