Dapat bang ikabahala ang pananakit ng ulo

MARAMING pasyente ang nagtatanong kung dapat bang ikabahala ang pananakit ng ulo. Natatakot sila na baka kung ano na ang dahilan kaya sumasakit ang ulo. Huwag mabahala sapagkat karamihan ng sakit ng ulo ay hindi delikado.

Narito ang tatlong dahilan:

1. Kung ang pananakit ng ulo ay naramdaman habang nagbabasa ng diyaryo o kaya’y gumagamit ng laptop, malamang may diperensiya ang mga mata. Kumunsulta sa optometrist o ophthalmologist.

2. Kung labas-masok sa malamig at mainit na lugar, puwedeng sumakit ang ulo. Hindi ito masama. Naninibago lang ang mga ugat sa ulo dahil sa pagbabago ng panahon.

3. Kung ang sakit ng ulo ay gumiginhawa habang mina­masahe, malamang ay stress o tensiyon lang iyan. Nani­nikip kasi ang mga muscles ng uli kapag naii-stress. Ang ibig sabihin, maraming iniisip, maraming problema kaya sasakit talaga ang ulo.

Ang mga nabanggit kong dahilan ng sakit ng ulo, mula sa mata, sa pagbago ng panahon at sa stress ay puwede nang hindi ipa-check sa doktor.

Kumunsulta sa doktor kapag masyadong matindi ang sakit ng ulo, kung may kasamang lagnat, pagsusuka at panghihina. Kunin din ang blood pressure. Kapag mataas sa 140/90, posible na altapresyon ang dahilan ng pagsakit ng ulo.

Ang mga sakit na binabantayan ng doktor ay ang stroke at brain tumor. Ang sintomas nito ay ang panghihina o pamamanhid ng katawan.

Ang migraine ay isa rin sa dahilan ng sakit ng ulo. Malalaman na migraine dahil kalahati lang ng ulo ang sumasakit. Ang gamot sa migraine ay mefenamic acid o aspirin.

Show comments