EDITORYAL - Maraming itinatapon at nasasayang na kanin
TAUN-TAON, 300,000 metriko tonelada ng bigas ang nasasayang ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel. Kaya balak niyang magpanukala ng batas na magsilbi ng kalahating cup ng kanin para maiwasan ang pag-aaksaya. Panahon na raw para maging responsable para hindi maaksaya ang kanin. Nararapat daw magkaroon ng tamang praktis sa pagkain ng tamang kanin upang hindi maaksaya.
Sabi ni Philippine Rice Research Institute (PhilRice) development communication division head Hazel Antonio-Beltran, mula 2018 hanggang 2019 ang nasasayang na kanin araw-araw ay 53 grams sa bawat tahanan. Nararapat na raw aniyang magpasa ng batas para maiwasan na ang pag-aaksaya sa kanin. Ayon kay Beltran, siyam na probinsiya, 21 lungsod at 17 bayan ang nagpasa na ordinansa na nag-uutos sa mga food establishments na mag-serve ng kalahating cup ng kanin. Sa pamamagitan ng ordinansa, naiiwasan ang pag-aaksaya sa kanin.
Noong nakaraang taon, sinabi rin ng isang opisyal ng Department of Agriculture-Philippine Rice Research Institute (DA-PhilRice) na dalawang kutsara ng kanin bawat araw ang nasasayang taun-taon. Ayon kay Dr. Karen Barroga, executive director ng DA-PhilRice, sa dalawang kutsarang kanin na nasasayang araw-araw, nagkakahalaga ito ng tinatayang P7.2 billion bawat taon. Ang nasasayang na kanin ayon pa kay Barroga ay maaaring magpakain ng 2.5 milyong Pilipino.
Ayon pa kay Barroga, marami sa mga Pinoy ang takaw-mata. Oorder nang maraming kanin subalit hindi naman uubusin. Kailangan daw magkaroon ng disiplina na kung gaano lamang karaming kanin ang kayang ubusin ang dapat orderin para hindi nasasayang. Hiling ni Barroga na ipatupad ng local government units (LGUs) ang ordinansa na pagbibigay ng mga restaurant ng kalahating cup ng kanin para maiwasan ang pag-aaksaya sa kanin.
Ang mga nasasayang na kanin ay karaniwang nanggagaling sa mga fastfood restaurants lalo na ang mga nag-o-offer ng “unli-rice”. Ayon sa report, maraming kanin mula sa mga restaurant ang humahantong lamang sa mga basurahan. Kadalasan, may mga inorder na kanin na halos hindi nabawasan at itinapon na. Napupuno ang basurahan ng mga tinapong kanin na dapat ay napakinabangan ng mga nagugutom na Pilipino.
Habang marami ang nasasayang na bigas, patuloy din naman ang pag-angkat. Sa susunod na taon, balak na namang mag-import ng bigas. Walang katapusang pag-angkat at hindi magkaroon ng paraan para maparami ang sariling ani. Ang masaklap, walang tigil sa pag-angkat at pagbili ng bigas subalit naaaksaya lamang. Sayang talaga!
- Latest