ISANG 26-anyos na social media influencer sa Bulgaria ang patuloy na gumagawa ng ingay dahil sa pagkakaroon nito nang “pinakamalaking labi sa mundo” dahil sa retoke!
Sa kabila ng mga babala ng mga doktor kay Andrea Ivanova tungkol sa panganib ng kanyang pagpaparetoke, hindi ito nagpapapigil sa kanyang hangaring palakihin pa ang iba’t ibang bahagi ng kanyang mukha.
Kamakailan, dumaan siya sa anim na magkakaibang cosmetic procedures sa loob lamang ng isang araw, kabilang ang pagpapa-enhance ng kanyang baba, panga, pisngi, at labi.
Sa kabila ng matinding sakit na idinulot ng mga injections, sinabi ni Ivanova na hindi siya titigil sa pagpaparetoke ng mukha.
Inamin ni Ivanova na isang “eksperimento” ang ginawa niya na sabay-sabay na pagpapa-inject upang malaman kung paano ito makaaapekto sa kanyang katawan.
Dahil sa pagtanggi ng kanyang suking doktor na magsagawa ng sabay-sabay na retoke, naglakbay siya patungong Germany upang doon ipagawa ang kanyang mga beauty procedures.
Gumastos siya ng mahigit £830 (?57,000) para sa mga nasabing procedures.
Bagama’t nasiyahan siya sa resulta ng kanyang mga ipinaretoke, ipinahayag ni Ivanova ang intensiyon niyang palakihin pa ang kanyang pisngi at baba upang magkaroon nang “pinakamalaking cheekbones” sa mundo.
Nasa higit 34 na injections na ang nagawa sa kanyang labi mula noong simulan noong 2018.
Ayon sa ilang eksperto, maaaring magdulot ng necrosis o pagkamatay ng tissue ang sobrang dami ng filler sa kanyang mukha. Sa kabila nito, nananatili si Ivanova na determinado at nagpahayag na hindi siya apektado sa mga negatibong opinyon ng iba tungkol sa kanyang hitsura.
Si Ivanova ay nakilala dahil sa kanyang matapang na pananaw sa extreme beauty enhancement at walang tigil na pagbabagong-anyo. Para sa kanya, ang kasiyahan at personal na kagustuhan ang pinakamahalaga, sa kabila ng mga peligro at kritisismong kanyang kinakaharap.