Pag-usig kay VP ipaubaya sa korte
ANG impeachment ay isang politikal na paraan upang matanggal sa puwesto ang isang impeachable official. At kapag sinabing “political” laging pinagdududahan ang motibo nito.
Sa obserbasyon ng ilan, “nabahag ang buntot” ni Presidente Bongbong Marcos nang manawagan sa kanyang mga kaalyado sa Kamara de Representante na huwag nang isulong ang impeachment kay VP Sara Duterte. Tama siya.
Umiiwas sa gulong politikal si Marcos. Mga beteranong pulitiko ang mga Duterte. Sa mga loyalists nila, palagi silang tama hindi sila dapat batikusin kahit ano ang kanilang gawin. Anang Presidente “aksaya lang ng oras” ang impeachment case. Sa akin, hindi lang waste of time kundi malilihis lang ang pamahalaan sa mga prayoridad na dapat nitong gawin.
Ang imbitasyon nga lang ng Kamara kay VP na liwanagin kung paano ginastos ang milyones niyang confidential fund ay nakapagdulot na ng pambansang kaguluhan na humantong sa pagbabanta ni Sara sa buhay ng Presidente. Ano’ng dambuhalang gulo ang maidudulot pa ng isang impeachment proceeding?
Ipaubaya na lang sa hudikatura ang pag-aksyon base sa mga isasampang asunto laban kay VP Sara. Magkarugtong ang bituka ng executive at Kongreso kaya ang anumang aksyon ng Kamara kay VP ay puwedeng iparatang ng huli kay Bongbong. Ang mga Korte ay indipindyente kaya kung aaksyon ito sa mga reklamo laban kay Sara, labas na diyan ang Presidente.
Tama rin ang opinyon na hindi naman mababago ang buhay ng mga Pilipino sa ganyang aksyon. Kita n’yo naman na may Duterte followers pa rin na masayang pumapalakpak nang murahin ni VP Sara at pagbantaan ang buhay ng Presidente, First Lady at House Speaker.
Kung ako ang nasa sitwasyon ng Presidente, mangangamba rin ako, hindi para sa sarili kundi sa mga mamamayang Pilipino na magdurusa dahil sa sigalot na political. Kaya kung aasuntuhin si VP, daanin sa paraang legal at hindi political.
- Latest