‘Nagkakatotoo rin ang mga pangarap!’- Robelyn, OFW

Marami ring overseas Filipino worker ang umaangat sa kanilang mga trabaho at mas bumubuti ang kalagayan sa ibang bansa. Makikita ito sa mga OFW na umasenso sa ibayong-dagat. May mga nagsisimula sa mababang trabaho na may napakaliit na suweldo pero nakakaakyat sa mas mataas na posisyon na may mas mataas na sahod.  Napo-“promote” o kaya nakakalipat sa ibang mas magandang trabaho o nakasilip ng oportunidad na magpapaangat sa kanilang kalagayan. Maaaring depende ito sa mga sitwasyon, sa kinaroroonan nilang bansa, sa kanilang kakayahan, kasipagan, tiyaga, pagsisikap at iba pa.

Ganito mailalarawan ang kuwento ng 29 anyos na OFW si Robelyn Molina Javar na dating domestic helper bago naging receptionist sa Hong Kong. Nais niyang iparating sa mga dayuhang domestic worker sa Hong Kong na nagkakatotoo rin ang mga pangarap. Ito ang gusto niyang mensahe sa mga Pinay DH na umaasang makakita ng ibang trabaho para umangat ang kanilang buhay nang hindi kailangang umalis sa naturang administrative region ng China.

Matagal nang nagtatrabaho si Robelyn bilang DH sa Hong Kong bago siya nabigyan ng visa para makapagtrabaho siya roon bilang receptionist sa ilalim ng bagong Expanded Supplementary Labor Scheme  (ESLS) ng pamahalaan ng HK.

Ayon sa isang ulat ng SUN HK, gusto na sanang umalis ni Robelyn sa Hong Kong makaraang matanggal siya sa trabaho bilang DH sa pangalawang pagkakataon nang makatanggap siya ng alok na nagbibigay sa kanya ng trabaho bilang receptionist noong Agosto ng taong kasalukuyan. Nag-aatubili pa siyang tanggapin dahil parang hindi totoo. Marami kasi siyang tiyahin na nagtrabaho nang matagal sa Hong Kong pero hindi nagkaroon ng pagkakataong makapagtrabaho sa isang opisina na may mas malaking sahod doon.

Sa trabaho bilang receptionist, susuweldo siya ng $14,500 (Php851,495) kada buwan. Ginagarantiya ring tatanggap siya ng extra pay para sa overtime work.  Wala siyang babayaran para mapasok sa naturang trabaho.

“Mula pagiging isang domestic helper, sabi ko imposible na magkaroon ng ganito. Pakiramdam ko noon mataas ang expectations nila sa work na maibibigay ko sa kanila,” sabi ni  Robelyn sa Ingles sa Sun HK. Nabatid na isa na siyang ina ng dalawang bata.

Nakaabot lang siya ng third year sa kursong Hotel and Restaurant Management sa Panpacific University sa Urdaneta, Pangasinan kaya nagduda siya kung makakapasa siya bilang receptionist. “Wala po ako talagang masyadong college credential kaya ‘di po ako nag-expect na ma-approve noon ang visa ko para sa ganitong trabaho.”

Ikinagulat nga ni Robelyn at ng kanyang employer na wala pang dalawang linggo mula nang magsumite siya ng mga kinakailangang dokumento nang aprubahan ng Immigration ang  kanyang ESLS application.

Kabilang si Robelyn sa halos 29,000 dayuhang nabigyan ng temporary two-year visa sa ilalim ng ESLS na pormal na inilunsad sa Hong Kong noong Setyembre ng nakaraang taon.

Hanggang noong Setyembre ng taong kasalukuyan, kabilang sa mga nabigyan ng visa ang para sa 667 receptionist. Mas marami ang para sa mga waiters/waitresses, cooks and junior cooks, security guards at sales assistants na nagpapahiwatig sa lubhang kakulangan ng ganitong mga manggagawa sa Hong Kong.

Pero sinasabing napakakonti lang ng mga Pinoy na naaaprubahan sa ESLS. Ayon kay Assistant Labour Attache Angelica Sunga ng Migrant Workers Office ng Pilipinas, 39 na Pilipino lang ang nabigyan ng work visa sa ilalim ng ESLS hanggang noong Agosto 2024.

Dahil dito, hinihimok ni Robelyn ang mga kababayan niya lalo na iyong humahawak ng foreign domestic helper visa na maghangad ng mas mataas at maghanap ng trabaho na magbibigay sa kanila ng mas mataas na kita at mas magandang kalagayan sa trabaho.

“Maraming mga Pinoy ang deserve ang mas magandang trabaho,” sabi pa niya. “At Glory to God talaga na merong ganitong program ang Hong Kong para sa mga hindi naman nakatapos at hindi hinihingan ng maraming requirements.”

Pero inaamin ni Robelyn na depende ang lahat sa suwerte. Kaya pinapayuhan niya ang mga humahawak ng DH visa na simulang maghanap ng mga kumpanyang nangangailangan ng mga manggagawang kahalintulad nila ang kuwalipikasyon at karanasan o employment agencies na magpapakilala sa kanila sa naturang mga employer. Hindi pa anya huli na maghangad ng bagay na mas maganda.

Pormal na inilunsad ng pamahalaan ng Hong kong ang ESLS noong Setyembre 2023 para mapag-ibayo at mapalawak ang coverage at operasyon ng nauna nitong Supplementary Labour Scheme (SLS) para maisama ang mga unskilled o low-skilled posts. Sa mga programang ito, ang mga dayuhang manggagawa ay inaalok ng dalawang taong kontrata na may sahod na katulad ng natatanggap ng mga lokal na empleyado at libreng tirahan.

Tinutugunan din nito ang kakulangan ng mga manggagawa sa Hong Kong.

* * * * * * * * * * *

Email – rmb2012x@gmail.com

Show comments