Bagama’t walang binanggit si dating President Rodrigo Duterte na kudeta o pag-agaw ng military sa pamahalaan, malinaw naman na hinihikayat o sinusulsulan niya ang mga miyembro ng sandatahang lakas na bawiin ang suporta kay President Ferdinand Marcos Jr. Wala raw makapagtatama ng mga “bali” o “sira” sa panunungkulan ni Marcos kundi ang military. Tanging military raw ang makapagtatama sa pamumuno ni Marcos na tinawag pa niyang “drug addict”. Bukod kay Marcos binanggit din niya si House Speaker Martin Romualdez.
“Nobody can correct Marcos, nobody can correct Romualdez… It is only the military who can correct it,” sabi ni Duterte sa press conference na ginanap sa Davao City at inilabas sa social media. Itinanong pa ng dating Presidente kung hanggang kailan susuportahan ng military si Marcos.
Ang mga pahayag ng dating Presidente ay ginawa apat na araw makaraang murahin at pagbantaan ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte sina Marcos Jr, First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez. Sabi ni Sara noong Sabado ng umaga: “’Wag kang mag-alala sa security ko kasi may kinausap na ako na tao. Sinabi ko sa kanya, ‘pag pinatay ako, patayin mo si BBM, si Liza Araneta, at si Martin Romualdez. No joke. No joke. Nagbilin na ako, Ma’am. ‘Pag namatay ako, ‘wag ka tumigil hanggang hindi mo mapapatay sila.”
Ang pagbabanta ni Sara ay naganap habang nagsasagawa ang House Committee on Good Government and Public Accountability ng pagdinig sa nagastos na pondo ng Office of the Vice President (OVP) at confidential funds. Sumiklab ang galit ni Sara nang isugod sa ospital ang isa sa mataas na opisyal ng OVP makaraang magka-panic attack.
Sabi pa ng dating Presidente kayang-kaya raw ng kanyang anak na malusutan ang mga kinakaharap nitong kaso. Nakatakdang humarap si Sara sa National Bureau of Investigation (NBI) ngayong araw na ito dahil sa pagbabanta sa buhay ni Marcos at iba pa. Sabi ng NBI, pagpapaliwanagin si Sara ukol sa mga sinabi nito.
Sabi naman ng Department of Justice (DOJ) ang mga pahayag ni dating President Duterte ay maituturing na sedisyon at dapat suriin sa konteksto ng mga naging pahayag din ng anak nitong si Sara.
Malinaw ang panghihikayat ni dating President Duterte sa AFP na bawiin ang suporta kay Marcos. Ito ang tinutumbok niya at wala nang iba pa. Mabuti na lang at agad nagpahayag ang AFP chief of Staff na hindi sila susunod sa anumang panghihikayat. Dapat ipursigi ang pagsasampa ng kaso sa dating Presidente.