Mga katandaang makabayan sa likod ng GRP-MNLF peace

Agosto 1996, Jakarta – Nagulat sina Senador Orly Mercado at Tawi-tawi governor Nur Jaafar nu’ng dumating kami sa peace talks sa capital ng Indonesia. “GRP”, Government of the Republic of the Philippines, ang nakasulat sa name­tags nila sa kaliwang dibdib.

Ang nasa dibdib namin ni education Usec. Fred Cle­mente ay “MNLF”, Moro National Liberation Front. Kasama namin si chairman Nur Misuari.

Nagyapusan sina Mercado, Misuari at Clemente. Naalala nila ang buhay estudyante nila nu’ng dekada-’60. Pare-pareho silang charter members ng radikal na Kabataang Ma­ka­bayan. Pareho kami ni Jaafar nagtaas ng kaliwang kamao; sumapi kami sa KM nu’ng dekada-’70.

Pinakiusapan ni noo’y-President Fidel Ramos sina Mer­cado at Jaafar na tumulong sa GRP panel. Inatasan naman kaming dalawa ni Clemente na tumulong sa MNLF.

Ramos at Misuari
UNESCO photo

Malimit mabara ang peace talks sa masasalimuot na isyu: Tigil putukan, pagbitiw ng MNLF ng mga armas, at halalan sa ARMM. Nagkakainitan sina Gen. Alex Aguirre ng GRP at Protestant Rev. Absalom Cerveza ng MNLF. Ini­wan namin sila sa conference room.

“Okay, gentlemen of KM, ayusin na natin ito,” ani Mercado. “Para sa kinabukasan ng kabataan at ng bayan.” Nagmer­yenda kaming lima ng mainit at malagkit na sopas ng bun­tot ng baka. Sumali si Sec. Ed Ermita ng GRP. Nagtabi sila ni Misuari para makapag-palagayang loob.

Lumipas ang apat pang araw. Agosto 18 nag-prelimi­nary signing ng peace agreement. Kinabukasan ineroplano si Misuari patungong Malabang, Lanao del Sur. Lumun­dag si Ramos mula presidential chopper. Nagyapos sila ni Mi­suari. Naluha ang madla. “Welcome home,” ani Ramos. “Karapatan mo bilang Pilipino umuwi.”

Kininis pa ang peace agreement. Setyembre 2 pormal pinirmahan sa Malacañang ang pinal na dokumento.

Show comments