Payo para sa baradong ilong

1. Uminom ng 8-12 basong tubig sa isang araw. Ma­aari ring uminom ng sopas, tsaa at juices.

2. Maligo sa shower gamit ang mainit na tubig. Isara ang pinto sa banyo para makulob ang usok na manggagaling sa mainit na shower (parang sauna). Ang steam o usok ay may water vapor na nagpapalabnaw ng plema.

3. Subukan ang steam inhalation. Magpakulo ng 2 litrong­ tubig sa isang kaldero. Kapag kumulo na, palamigin­ ng 10 minuto at isalin ang tubig sa isang plastic na pa­langgana. Ilapit ang mukha ng 6 inches sa mainit na tubig. Itaklob­ ang tuwalya sa ulo habang nakatapat sa palanggana. Ito’y para makulob ang init at malanghap ang usok na nanggagaling­ sa tubig. Puwedeng mag-steam inhalation ng 3 o 4 beses sa maghapon.

4. May tulong ang Saline Spray na nabibili sa botika. Isa itong botelya na ipinapasok sa ilong at ini-spray. Sa ganitong paraan, mapalalabnaw at matutunaw ang plema sa ilong.

5. Gumamit ng warm compress. Ilubog ang tuwalya sa mainit na tubig at pigain. Ilagay ang mainit na tuwalya sa bandang ilong at noo. Ang warm compress ay nakaba­bawas ng kirot at pamamaga ng sinus.

6. May mga nabibiling gamot para sa sipon pero hindi ito puwedeng inumin ng pangmatagalan. Minsan, naka­aapekto rin itong mga gamot sa iyong blood pressure.

7. Kung may allergy, umiwas sa mga bagay na nakaka-allergy. Linisin ang kuwarto at linisin ang mga gamit, kama, sopa at rug. Labhang maigi ang unan, kumot, tuwalya at baro. Ang mga balahibo mula sa alagang hayop at stuffed toys ay nakaka-allergy din. Kung matindi ang allergy, puwede ring uminom ng gamot sa allergy ng paminsan-minsan.

Show comments