Pumuntos na nasilat pa!

DIRETSO at hindi maituturing na figure of speech ang pag­babanta ni VP Sara Duterte sa buhay ni Presidente Bong­bong Marcos, First Lady Lisa Araneta Marcos at House Speaker Martin Romualdez. Kahit pa Ito’y ipinahayag dahil sa ma­tindi niyang galit, hindi ito puwedeng bigyan ng figurative na kahulugan.

Ngayong balak siyang kasuhan ng Department of Justice ng sedition at may mga nagpaplano pang magsampa ng impeachment laban sa kanya, kumambyo siya at sinabing “I was taken out of context.” Paano matatawag na out of context ang sinabi niyang, may kinontrata na siyang gun­man para itumba ang tatlo?

Nagalit si Sara nang ma-contempt sa House hearing ang kanyang chief of staff lalo na nang malaman niya na ipipiit ito sa Women’s Correctional. Sa una ay naka-plus point na sana si Sara.

Ako man ay nabagbag ang damdamin lalo na nang halos maluha si Sara at sinamahan pa niya sa detention center ang kanyang chief of staff. Lumikha ang sitwasyon ito ng negatibong impresyon na malupit ang mga mambabatas na ituring na common criminal ang tauhan ni Sara. Umig­ting pa ang simpatiyang ito nang isugod sa ospital ang chief of staff dahil sa panic attack.

Doon nagsimulang mawalan ng  control ang bibig ni Sara at pinagmumura pati Presidente, First Lady at House Speaker. At ang pinakamatinding sinabi niya ay kung siya raw ay ipapapatay, kumontrata na siya ng hit man para ilikida ang Presidente, First Lady at si Romualdez. Sinun­dan pa niya ito ng “no joke. No joke.”

Sabi mismo ng Presidente, hindi na niya ito mapalalampas. Binabalak na ng administrasyon na isakdal sa salang sedition si Sara. 

Madalas tayong ipahamak ng sariling dila kaya kahit­ gaano kaalab ang galit natin kaninoman, timbangin muna ang mga salitang dapat bigkasin. Ang salitang nabitiwan na ay hindi na mababawi pa.

Show comments