ISANG kakaibang pizza mula sa isang pizza chain sa China ang naging usap-usapan online dahil sa hindi pangkaraniwang topping nito na isang buong deep-fried na bullfrog.
Ang kakaibang pizza na tinawag na “Goblin Pizza” ay bahagi ng collaboration ng sikat na pizza chain at ng mobile game na Dungeon & Fighter: Origins.
Ayon sa spokesperson ng kompanya, ito ay idinisenyo upang makaakit ng mga mahilig sa pizza at fan ng naturang mobile game.
Ang pizza ay may makapal na crust at may flavor base na Mala. Ang Mala ay kilala sa Chinese cuisine sa masarap nitong anghang na nagmula sa Szechuan peppercorn and chili.
Bukod sa pritong palaka, mayroon din itong parsley, habang ang dalawang hati ng nilagang itlog na may black olives ay nagsisilbing “mata” ng goblin.
Inilunsad ang Goblin Pizza bilang bahagi ng limited edition menu ng pizza chain. Sa kasalukuyan, ito ay available lamang sa pre-order mula sa piling mga branch sa China, at may presyo na 169 yuan (2,000 pesos).
Bagama’t ang bullfrog ay itinuturing na delicacy sa China, hindi maiiwasang magdulot ng kontrobersiya matapos itong gawing toppings sa pizza.
Habang marami ang na-curious sa konsepto at handang subukan ang kakaibang fusion na ito, may ilan din na nagpahayag ng pagkadismaya, partikular sa visual presentation ng produkto.
Ang itsura ng pizza, na nagtatampok ng buong palaka bilang topping, ay nagtulak sa iba na kuwestyunin ang aesthetic at culinary appeal nito.
Ang kakaibang pizza ay sumasalamin sa innovation ng mga fast-food chain sa paglikha ng mga produktong nagbabalanse ng local flavor at western fast food.
Sa kabila ng kontrobersya, ang Goblin Pizza ay naging sentro ng usapan sa social media, na nagdulot ng interes hindi lamang sa mga Chinese netizens kundi pati na rin sa worldwide audience.