Taon 1984 nang tipunin kaming apat na manunulat at patnugot. Nagpulong kami sa isang opisina sa Makati City. Kababalik lang ni Nognog at ng boss niyang bata mula China. Nais nila isa-pamphlet at ipelikulang documentary ang biyahe nila. Pakay nila ibida sa mga Ilokano ang natutunan nila sa palakad sa China.
Taimtim kaming tatlo sa pakikinig. Seryoso si Nognog sa paglalahad ng binabalak na proyekto.
Pero inip na inip ang boss niya. Hindi makatutok sa usapan.
Makalipas ang kalahating oras dumating sina Bong at Greg. Niyayaya ang boss ni Nognog na magkasayahan daw sila.
Umasim ang mukha ni Nognog. Sinabihan niya ang dalawa na maghintay na lang sa labas habang nagpupulong kami. Sabi ng boss niya, apurahin na ang usapan. Gusto na raw niyang maglaro ng kung ano.
Inip pa rin ang boss. Dinampot ang bond paper. Tinupi-tupi ito sa isang eroplanong papel.
Umakma siyang paliliparin ang eroplano. Natigilan si Nognog. Lahat kami ay nakatingin sa boss.
Tila napahiya ang boss sa halatang balak niyang gawin. Imbis na paliparin ang eroplano, isinundot na lang niya ang tulis na dulo nito sa kanyang taynga. Napapikit siya sa kiliti ng pagtututuli.
Doon nagwakas ang pulong.
Apatnapung taon ang lumipas. Tumanda na ang boss. Nahalal sa napakataas na posisyon. Pero isip-bata pa rin. Puro laro at lamyerda ang nasa isip.
Binabatikos ang boss. Pero wala siyang pakialam sa opinyon ng madla. Basta ayaw niyang magtrabaho, period.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).