Flash Report: Hindi maganda ang magiging Pasko ng mga Pinoy dahil sa patuloy na bangayan ng mga pulitko. Tumataas na ang presyo ng mga bilihin, lalo na ang mga peborit na panghanda ng mga Pinoy tuwing Pasko, subalit walang kumikilos para masawata ito dahil inuuna ng mga pulitiko ang kanilang interes.
Sayang ang boto ng mga Pinoy. Kung ang milyones na ginagastos dito sa quad comm hearing ay ibinili ng pangunahing panghanda ng mga Pinoy sa Pasko, eh masaya sana ang taumbayan, di ba mga kosa?
Halos buong makinarya ng gobyerno ay nakatuon kay VP Sara Duterte dahil sa tinuran nito sa social media na papatayin sina President Bongbong Marcos, First Lady Liza Marcos, at House Speaker Martin Romuladez kapag na-assassinate siya. Dapat makasuhan na si VP Sara.
Si Kosang Tunying naman ay nanawagan kay BBM na sawatain na ang malawakang corruption sa gobyerno. Kapag hindi niya ito nagawa, ibig sabihin sangkot dito si BBM, aniya.
Si Sen. Imee Marcos naman ay humihingi ng tulong para protektahan si VP Sara sabay panalangin sa Poong Maykapal na gisingin ang kapatid niya at buksan ang isipan nito para mailayo sa mga demonyo na nakapaligid sa kanya. Ang saya-saya!
• • • • • •
Hindi lang mga bodega ang binabantayan ng mga awtoridad sa kampanya laban sa cigarette smuggling kundi maging sa dagat na. Ang magandang halimbawa nito ay ang pagkahuli ng PNP, Navy at Coast Guard ng nagkakahalagang P14.7-milyon na ismagel na sigarilyo sa dagat ng Pio Duran sa Albay.
Tumakas ang boat captain at pilit na nilulubog ng mga tripulante ang motorized bangka na may pangalang “Susie” kaya lang naagapan itong isalba ng raiding team sa pangunguna ni Capt. Ruel de Ocampo, ang hepe ng PIO Duran PNP. Anong sey mo Konsi Gina Elorde Mam?
Mga isang kilometro pa ang bangka bago dumaong sa Bgy. Marigondon sa Pio Duran nang salubungin ng magkasanib na tropa ng PNP, Navy at Coast Guard. Nang makita ang raiding team, inokupa ng mga tripulante ang isang bahagi ng bangka kaya tumagilid ito.
Nais ng mga tripulante na ilubog ang bangka para walang ebidensiyang makuha ang raiding teams. Pinasok ng tubig ang bangka pero naisalba ng PNP, Navy at Coast Guard raiders. Nailigtas ang 368 boxes na smuggled cigarettes, tulad ng Bros, Delta, Carnival at Commando, na nagkakahalaga ng P14.72 milyon.
Ang boat captain na si Ariel Mangente, 50, ay tumalon sa dagat at nakatakas. Naaresto ang kanyang mga tripunalte na sina Miguel Magenta, 32; Reymart Magenta, 28; Aljune Magenta, 27; Anewless Amor, 50; Rolando Magenta, 21; Pat Balbin, 23; Bernie Elaurza, 22, at Joey Mison, 34. Isinuko ang tumakas na si Mengente ni Barangay chairman Estevan dela Punta ng Bgy. Cabarian, Ligao City. Kakasuhan sila ng paglabag ng Customs Modernization Act at Tariff Act.
Inaalam ni De Ocampo kung kanino ang shipment ng ismagel na sigarilyo. Get’s mo Boss Sakur? Nasa custody na ni Ocampo, ang nasirang bangka na nagkakahalaga ng P300,000 at mga nakumpiskang epektos. Abangan!