Komunistang China patuloy nagnanakaw ng ating bahura
NAKAGIGIGIL ang natuklasan ng mga mamamahayag na lumipad sa ibabaw ng Zamora (Subi) Reef. Tinayuan na ito ng China ng mga gusali, pier, at airport na pang-militar. May missile silos at imbakan ng armas.
Nakaparada doon ang mga barko ng People’s Liberation Army-Navy at China Coast Guard. Pati fighter jets ng PLA-Air Force.
Atin ang Zamora. Labas na ito ng 200-milya exclusive economic zone ng Pilipinas. Pero nasa loob ng 12-milya territorial sea ng Pag-asa Island, Kalayaan Municipality, Palawan.
Unang dumaong ang China sa Zamora nu’ng 1988-1989. Dumaong din sa Mabini (Johnson South) Reef. Abala ang Pilipinas noon sa gulong panloob, mga tangkang kudeta kay President Cory Aquino.
Nu’ng 2013 sinimulan ng China tambakan ng bato’t graba ang Zamora at karatig na Kagitingan (Fiery Cross) Reef. Pinasya ng Permanent Court of Arbitration ng The Hague na labag sa batas ng daigdig ang ginawa. Tinalikuran ng criminal na China Communist Party ang pasya. Nagtambak din sa Mabini kamakailan.
Nu’ng 1995 pa kinongkreto ng China bilang island-fortress ang Panganiban (Mischief) Reef. Dalawampung milya mula ru’n inaatake ng China ang resupply missions sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin (Second Thomas) Shoal.
Tatlumpung milya pa mula Ayungin ang Escoda (Sabina) Shoal. Nakadaong du’n ang higanteng CCG gunboat, Bow No. 5091, 12,000 tonelada, 160 metro ang haba. Mas malaki ito kaysa normal na frigate or destroyer. Ine-escort nito ang China research vessels. Malapit lang ito sa Palawan.
Isiwalat sa mundo ang pambubusabos ng China sa atin.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest