Food systems lalo na sa mga siyudad, kailangan patatagin!

PARA SA PAGPAPATIBAY NG FOOD SYSTEMS: Ang mga panauhin at kinatawang bumuo sa Urban Food Systems Policy Forum na ginanap noong November 6, 2024, sa Park-inn by Radisson sa Quezon City.

Habang patuloy ang pagtaas ng populasyon natin, mas kailangan natin ng makabagong solusyon para sa food system ng ating mga komunidad.

Ayon sa United Nations Food and Agriculture Organization (FAO), nasa 51 milyong Pilipino ang apektado ng katamtaman hanggang malalang food insecurity -- isa sa mga pinakamataas sa buong Southeast Asia. Halos kalahati na ito ng buong populasyon natin na nahaharap sa peligro ng gutom at kakulangan sa sapat na nutrisyon. 

Sa Urban Food Systems Policy Forum na naganap nitong nagdaang linggo sa Quezon City, nagsama-sama ang iba't ibang mga lider, eksperto, at advocates para tugunan ang isyung ito. Bilang moderator, nagkaroon ako ng oportunidad na mapakinggan ang kanilang dayalogo na naging patunay sa kahalagahan ng multi-sectoral partnerships, at mga makabagong polisiya at solusyon para sa kinabukasan ng ating urban food systems.

Ang bunga ng pagtutulungan ng QC LGU at ng CGIAR Resilient Cities Initiative -- na siyang tugon sa mga hamong kinahaharap ng ating urban food system -- ang ilan sa mga pangunahing tinalakay sa Urban Food Systems Policy Forum. 

Sa siyudad o mga urban area napupunta ang malaking bahagi ng pagkain na inaani o ginagawa ng food producers.  Pero kailangang palakasin pa ang mga makabagong polisiya ukol dito.

"Sa pamamagitan ng pagsusuri, hangad naming makakalap ng sapat na ebidensya para maging gabay ng ating gobyerno at food system actors sa pagbuo ng mas matibay at pinagyamang urban food systems," sabi ni CGIAR Resilient Cities Co-lead Silvia Alonso sa kanyang welcome message.

Bilang moderator ng “How Can Food Systems Researchers, Development Specialists, and City Networks Help Cities Build More Resilient Food Systems?” (L-R: ICLEI Southeast Asia Secretariat Reg’l. Program Mgr., Mae Valdez-Irong; IIRR Advisor, Dr. Julian Gonsalves; RCI Senior Advisor, Dr. Gordon Prain;, QC Food Security Task Force Co-chairperson, Nonong Velasco and QC MDAD Asst. Head, Atty. Edmundo Bacatan)

Mga tindera ng pagkain, h’wag ismolin

Sa forum ay binalikan natin ang ilan sa mga proyektong tulad ng Vendor Business School at community gardening initiatives na nagpapakita sa atin ng potensyal ng mga urban food ecosystems.

Ang Vendor Business School ay isang proyekto ng QC LGU at CGIAR para bigyan ng training ang food vendors -- na karamihan ay babae -- sa pamamagitan ng pagtuturo ng business practices, food safety, at iba pang training.

Mahalagang kilalanin natin ang papel ng ating food vendors sa food supply chain.  Sila ang nasa dulo nito bago dumating sa ating mga konsumer. Isa sa mga hangarin ng Vendors Business School ang maprotektahan ang ating food vendors sa mga hamong hatid ng kanilang kabuhayan, tulad ng pagiging limitado ng kanilang puhunan, at iba pang aspetong-pinansyal.

Ang mga kinatawan ng Quezon City at ang CGIAR – tulung-tulong para sa mga makabagong solusyon at multi-sectoral partnerships tungo sa mas magandang kinabukasan ng ating urban food systems.

Dapat 'fresh' ang mga susunod na solusyon para sa PH food systems 

Isa sa mga panauhin ng forum si Mayor Joy Belmonte, na binigyang-diin ang pangangailangan ng ating food systems ng makabagong mga solusyon sa sistema ng pagkain sa ating mga syudad.

"Dapat ay bitiwan na natin ang mga makalumang paraan na linear at one-dimensional na pagtugon sa food security at nutrisyon, lalo na sa aspeto ng pagpopondo natin sa mga programang ito, dahil na rin sa kasama na sa usapin ngayon ang social services at climate change," sabi ni Mayor Joy.

Sang-ayon ito sa sentimyentong ibinahagi sa atin ni Resilient Cities Senior Advisor Dr. Gordon Prain: nararapat na evidence-based at mula sa pagtutulungan ng iba't ibang sektor ang mga susunod na pagbabago sa ating polisiya para sa food systems natin. "Dapat ito ay collaborative effort, kung saan nag-uugnayan ang researchers, ang public sector, at food security task force, at ang private sector," dagdag niya.

Nagtayo ng isang "mini-exhibit" o poster display ang Urban Food Systems Policy Forum na nagtatampok sa iba't ibang mga inisyatibong tugon sa urban food systems.

Para naman kay International Institute of Rural Reconstruction (IIRR) Advisor Dr. Julian Gonsalves, mahalagang dumami pa ang mga inisyatibong tulad ng Joy of Urban Farming sa Quezon City.

"Notorious ang urban agriculture pagdating sa aspetong hindi natutuloy ang mga inisyatibong ito. Nararapat na sukatin natin ang tagumpay ng isang programa batay sa kung ito ay pangmatagalang isinasagawa," kanyang pagpapaliwanag.

Ibinahagi rin ni Dr. Herminigilda Gabertan, assistant director sa Department of Agriculture (DA)-Bureau of Plant Industry and National Urban and Peri-urban Agriculture Program na patuloy ang pagsisikap ng kanilang kagawaran para magtayo ng marami pang community gardens. "Nakikipag-partner tayo sa iba't ibang syudad, ang mga urban at peri-urban para sa Halina't Magtanim ng Prutas at Gulay sa Barangay -- ang HAPAG program -- na naglalayong magkaroon ng community garden ang bawat barangay."'

(First row, L-R) - Dr. Silvia Alonso and Dr. Gordon Prain (Resilient Cities Initiative), Dr. Julian Gonsalves (International Institute of Rural Reconstruction), Mae Valdez-Irong (ICLEI Southeast Asia); (Second Row, L-R) - Dr. Herminigilda A. Gabertan (Dept. of Agriculture), Dr. Liz Ignowski (World Vegetable Center, Thailand), Joseph Manicad (Dept. of Agriculture), Nonong Velasco (Food Security Task Force, Quezon City Gov’t.)

Makiisa sa laban para sa mas matatag na food systems

Ang aking mister na si Nonong Velasco, ang Co-chairperson ng QC Food Security Task Force, ang nagbahagi sa forum ng pag-asa ng LGU na ang "proactive, collaborative, at research-based na pamamaraan ng QC at CGIAR ang maaaring modelo na pwedeng sundin ng iba pang mga lokal na pamahalaan.”  

Sabi niya, “Ang partnership ng QC at CGIAR ay magandang halimbawa ng potensyal ng data-driven policies sa pagpapatupad ng food security programs, at naniniwala akong kaya nitong mabigyan ng inspirasyon ang iba pang mga siyudad sa buong mundo para makabuo ng sustainable at food-secure na kinabukasan para sa kanilang mga komunidad."

Ang mga LGU ay mahalagang bahagi ng "food system transformation at climate action, dahil 68% ng populasyon sa buong mundo ang maninirahan sa mga syudad sa pagdating ng 2050," ayon kay Mae-Valdez Irong ng ICLEI Southeast Asia Secretariat. 

Si Quezon City Mayor Joy Belmonte kasama ang QC Food Security Task Force Secretariat -- ang nangunguna pagdating sa mga makabagong programa at pagtataas ng standards para sa isang sustainable food system, at pangmatagalang food security.

Alam nating lahat na kumplikadong usapin ang food systems, sustainability at food security.  Ngunit sa pamamagitan ng mga partnership tulad ng sa QC at CGIAR, mas abot-kamay natin ang ating layuning magkaroon ng sapat, masustansya, at murang pagkain ang bawat miyembro ng ating mga komunidad.

Sa huli, mahalagang alalahanin natin na tayong lahat ay may responsibilidad sa isa't isa. Ang pagtutulungan ng bawat sektor ay kritikal para masigurong walang Pilipino ang nagugutom o kinukulang sa nutrisyon. Sa pamamagitan ng ating pagtutulungan, tamang liderato, at pangmatagalang mga programa, kayang-kaya nating makabuo ng matatag at food-secure na kinabukasan para sa lahat.

------ 
I-follow ang aking social media accounts JingCastaneda InstagramFacebookYouTubeTiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa editorial@jingcastaneda.ph.

Show comments