DIREKTIBA ni President Ferdinand Marcos Jr. na hanggang Disyembre 31, 2024 na lamang o mas maaga pa rito ang pananatili ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa. Pagpasok ng 2025, wala na kahit isang POGO. Walis na sila lahat. Unang inihayag ni Marcos ang pagbabawal sa POGO noong nakaraang Hulyo 22 sa kanyang 3rd State of the Nation Address (SONA). Ayon kay Marcos, kailangan nang itigil ang panggugulo ng POGO sa ating lipunan at paglalapastangan sa bansa. Inatasan niya ang PNP at PAGCOR na ipatupad ang pagbabawal sa POGO.
Noong Nobyembre 5, nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang Executive Order No. 74 na nagbabawal sa lahat ng POGO. Bukod sa pagbabawal, nakasaad din na hindi papayagan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na aprubahan ang mga bagong lisensiya at hindi na rin papayagan ang renewal ng lisensiya. Pinal na ang paghinto ng POGO sa katapusan ng Disyembre 2024.
Subalit tila masasayang ang pagsisikap ng pamahalaan na lubusang maipahinto ang POGOs sapagkat kakaibang taktika ang ginagawa ng mga operators nito. Nagpapanggap na mga restaurant at resort ang mga POGO. Ginagawang front ang mga nabanggit para magtuluy-tuloy ang kanilang illegal na negosyo. At pawang sa probinsiya umano nagsisilipat ang mga POGO na nagkukunwaring resort at restaurant.
Ang taktikang ito ay siniwalat mismo ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla. Sabi niya, maraming POGO ang nag-aaplay bilang resorts at reataurants. Ginawang halimbawa ni Remulla ang ni-raid na POGO sa Lapu-Lapu City na ang front ay hotel at restaurant. Ayon pa sa DILG Sec. mula Porac, Pampanga ay nagliparan ang POGO sa Lapu-Lapu.
Maaaring hindi lamang sa Lapu-Lapu ginagawa ang pagpapanggap ng POGO kundi sa maraming bahagi ng bansa. Baka sa mga pinakamalayong lugar sa bansa ay mayroon na silang POGO na nag-aanyong resort. Mahusay magdamit ng tupa ang mga leon o tigre.
Dapat balaan ni Remulla ang mga local government units (LGUs) na maging mapagbantay sa mga POGO na magpapalit ng “balahibo”. Kapag naging mahina ang pang-amoy ng mayor, tiyak na sa isang iglap ay nakapasok na ang POGO. Maging alerto sapagkat mag-aaplay ng business permit ang mga POGO nito. Matatakawan naman ang mga mayor at agad aaprubahan ang permit. Huwag hayaang sirain ng POGO ang bansa. Pagtulung-tulungan na palayasin ang mga salot.