Sana all may label!
KasamBuhay, deserve mong malaman ang malinaw na katotohanan. Hindi lamang sa lovelife — kundi pagdating na sa mga pagkain na binibili mo.
Bilang mga magulang o konsumer, ang sustansya ng isang pagkain ang isa sa mga iniisip natin bago natin ito bilhin. Pero paano natin tunay na maiintindihan kung ano ang ating binibili kung ang sagot na hinahanap natin ay nakatago sa likod at hindi kapansin-pansin, o kaya’y masyadong kumplikado para maintindihan.
Sa ngayon, back-of-pack nutrition facts pa lamang ang minamandato sa packaging ng food products dito sa Pilipinas, at hindi ang front-of-pack o FOP labeling. Taliwas ito sa maraming pag-aaral na nagsasabing mas epektibo at makakatulong sa kalusugan ng mga konsumer ang paglalagay ng FOP.
Dapat may babala, para pagpili ay tama! Sama-sama ang miyembro ng Healthy Philippines Alliance at mga public health advocacy partners nito para labanan ang non-communicable diseases (NCD) sa paglulunsad ng “Campaign for a Food Warning Label Policy in the Philippines”
Kasabay ng World Food Day nitong nagdaang buwan ang Global Week for Action on Non-Communicable Diseases (NCDs). Dito nakahanap ang Healthy Philippines Alliance (HPA) ng tamang tyempo para ilunsad ang kanilang kampanya.
Malinaw ang layon ng kampanya ng HPA: isulong ang mga polisiya na magiging proteksyon ng mga Pilipino laban sa mga pagkain na makakasama sa kanilang kalusugan, at pangunahin dito ang pagmamandato ng klaro at malinaw na babala sa harap ng food packaging. Kung matutupad ito, ayon sa HPA, ay mapapagaan natin ang pasanin na hatid ng NCDs sa ating bansa.
Malinaw ang datos, kailangan umaksyon laban sa NCD
Nakakabahala ang resulta ng iba't ibang pag-aaral. Ayon sa UNICEF, 74% ng kabataan edad 13 hanggang 15 ang hindi nakakakain ng sapat na dami ng gulay, samantalang 38% ang umiinom ng softdrinks araw-araw. Naitala ng World Health Organization na pito sa kada sampung namamatay sa Pilipinas ay dahil sa NCDs, at mas mataas na ang mortality rate ng mga sakit na ito sa ating bansa kumpara sa mga kapitbahay natin sa Western Pacific.
Sa huling kolum natin, napag-usapan din natin ang NCDs, at kung paano ito nakakaapekto sa kapakanan ng ating mga lolo at lola.
Kinumpirma ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na hindi biro ang pinansyal na hamon na hatid ng NCD sa mga Pilipino. Samantala, ayon sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS), suportado nating mga Pilipino ang pagmamandato sa mga warning label laban sa mga health risk ng iba't ibang food products.
Kung handa na ang mga Pinoy para sa healthy food choices, at suportado pa ito ng iba't ibang organisasyong nakikiisa sa layunin HPA, mukhang panahon na talaga para pag-aralan ito ng ating mga mambabatas. Kailangan natin ng polisiya na magbibigay ng malinaw at klarong babala sa mga konsumer tungkol sa matataas na lebel ng sugar, sodium, at unhealthy fat sa ultra-processed foods.
Isa sa mga nangunguna sa panawagang ito si Dr. Jaime Galvez Tan. "Ito ang isa sa mga best-buy solutions na sinusuportahan namin, ang mandatong paglalagay ng food warning labels bilang stratehiya na nakakatulong malutas ang paglaganap ng unhealthy eating habits, isa sa mga pangunahing dahilan ng NCDs," aniya.
Mahalaga ang may alam
Hindi lamang ito usaping kalusugan. Gaya ng sinabi ni Dr. Tan, hindi lamang lakas ng pangangatawan ang ninanakaw ng NCDs sa mga pasyente, ngunit pati na ang kanilang pera at ipon, dahil magastos ang long-term treatment at pagpapagamot nito. "Pinipigilan nito ang mga Pilipino na maging produktong miyembro ng ating lipunan -- hirap silang kumita o makapag-ambag sa ating ekonomiya."
Sa pagpirma ng Memorandum of Understanding ng HPA at iba't ibang mga pribadong organisasyon at ahensya, pormal nang inilunsad nila Dr. Tan ang kanilang kampanya para sa proteksyon ng mga konsumer.
Sa ating segment sa DWPM Radyo 630, nakapanayam natin sina HPA Co-convenor Ralph Degollacion at Nutritionist Jennina Duatin ng Diabetes Philippines, Inc. tungkol sa NCDs at kung paano nakatutulong ang wastong pagpili ng ating kinakain.
Ayon kay Duatin, malaki ang matitipid natin habang nananatiling healthy kung mananatili tayong praktikal sa ating pamimili. "Ang mga gulay tulad ng kangkong, alugbati, at kamote ay available buong taon at kadalasan ay mas mura sa mga seasonal na gulay at prutas," payo niya.
Dagdag pa niya, nangunguna pa rin ang isda bilang isa sa mga pinakamasustansyang source ng protein, mais at saba para sa carbohydrates. Higit sa lahat, hindi pa rin mapapantayan ang tubig pagdating sa pananatiling hydrated.
Malinaw ang panawagan ng HPA na binigyang-diin ni Degollacion: "hinihikayat natin ang mga policymakers na gawing mandato ang front-of-pack warning labels para sa kalusugan ng mamamayang Pilipino."
Balikan natin ang sinabi ni Dr. Tan, "para matupad natin ang pangarap natin kung saan malaya mula sa mga epekto ng NCDs ang bawat Pilipino, kailangan itong gawing prayoridad ng ating mga lider. Kailangang matugunan ang unhealthy diets, at bigyan ng kaalaman ang mga Pilipino nang maintindihan nila ang nakatagong peligro sa mga binibili nilang pagkain. Oras na para maging aksyon ang ating mga salita."
Sa ating mga mambabatas, klarong-klaro na po na dapat may label: malinaw at madaling intindihin. Dapat may babala, para pagpili ay tama!
------
I-follow ang aking social media accounts JingCastaneda Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa [email protected].
- Latest