Mahilig talagang mameke ang China sa maraming bagay, mula sa mga consumer products hanggang sa mga pekeng isla na itinatayo sa karagatang nasa teritoryo ng Pilipinas. Ngayon naman, napaulat na nagdedeploy ng sangkatutak na fake fishing boats ang China pati sa karagatang sakop ng Pilipinas.
Mga barkong militar ito na nagkukunwaring barkong pangisda o coast guard vessels na nagpapakita ng kanilang maitim na balak na mang-agaw ng teritoryo. Talagang sa araw-araw ay laging tumataas ang antas ng pagkaagresibo ng China.
Palibhasa, ang dating pangalan ng kabiserang lungsod ng China ay Peking na ngayo’y naging Beijing. Pasensiya na sa konting patawa kahit ang issue ay hindi na nakatatawa.
Nagdaos ng joint press conference sina Teodoro at ang kanyang U.S. counterpart na si Defense Sec. Lloyd Austin upang pagtibayin lalo ang commitment sa mutual defense ng dalawang bansa.
Nagkaisa ng obserbasyon ang dalawa na nakababahala na ang ginagawa ng China ngunit tiniyak ni Austin na matibay ang commitment ng U.S. sa Mutual Defense pact ng dalawang bansa.
Malapit na kasing maluklok bilang Presidente ng U.S. si Donald Trump at hindi maseguro ng China kung ano ang magiging policy ng bagong administrasyong Trump sa China. Marahil ipinakikita ng China ang matalas na “pangil” nito na nagsasabing hindi ito takot sa U.S.
Tiniyak ni Austin na kahit sino pa ang maging President, hindi magbabago ang iron-clad commitment ng U.S. sa larangan ng mutual defense.
Kung talagang maninindigan ang U.S. sa tratado ng dalawang bansa ay malalaman lang kapag nanungkulan na si Trump simula sa Enero ng papasok na taon.