MULI na namang napagtibay ang ating mga ginagawang programa at proyekto para sa QCitizens matapos makamit ng pamahalaang lungsod ang iba’t ibang parangal nitong mga nagdaang araw.
Sa ikalawang sunod na taon, kinilala ang inyong lingkod bilang regional winner at semifinalist sa national level para sa Presidential Lingkod Bayan Award mula sa Civil Service Commission.
Napili tayo sa nasabing parangal dahil sa ginagawa nating magandang trabaho, lalo na pagdating sa mga pagkilos natin para sa kalikasan.
Naging espesyal ang pagtanggap ko sa nasabing award dahil kasama ko sa seremonya ang aking ama na si dating Mayor at House Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte.
Quezon City lang ang tanging local government unit sa National Capital Region (NCR) ang nakapag-uwi ng tatlong award, dahil kinilala rin sina Business Permits and Licensing Department (BPLD) Head Margie Mejia at Quezon City University (QCU) President Dr. Theresita Atienza bilang CSC Pag-asa Awardees.
Samantala, walong pagkilala rin ang ating natanggap mula sa USAID Opportunity 2.0 Youth & Partners Summit 2024. Kabilang dito ang Most Outstanding Program for Out-of-School Youth Entrepreneurship para sa programang Be Your Own Boss program natin.
Kamakailan rin, personal nating tinanggap para sa ating lungsod ang prestihiyosong People’s Participation Award mula sa Digital Democracy Awards ng Makati Business Club (MBC) dahil sa paggamit natin ng digital tools upang mapaunlad ang serbisyo publiko at partisipasyon ng QCitizens.
Tinanghal din ang 22nd Quezon City Council bilang National Winner para sa Highly Urbanized Cities category sa 2023 Local Legislative Award ng Philippine Councilors League (PCL) at Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nakakataba ng puso ang mga pagkilalang ito, na nagpapatibay na epektibo ang ating mga proyekto’t programa para sa mga QCitizens.
Sa kabila ng mga parangal na ito, hindi tayo magre-relax, kundi patuloy pa tayong magtatrabaho para sa lalo pang ikauunlad ng ating siyudad at ng ating mamamayan.