Paskong tipid
DAHIL sa sunud-sunod na kalamidad na sumalanta sa bansa, nag-atas si President Marcos Jr. sa lahat ng tanggapan ng gobyerno na magtipid lalo na sa selebrasyon ng Pasko.
Kunsabagay, ito ay bilang pagdamay na rin sa mga kababayan nating nawalan ng tahanan, kabuhayan at namatayan ng mga mahal sa buhay dahil sa kawing-kawing na mga bagyo na pulos “super typhoon”.
Napakawalang simpatiya nga namang tingnan kung may mga magarbong nagdiriwang habang yung iba ay tumatangis. Hindi lang naman nangyari ang ganitong malungkot na sitwasyon sa atin. May mga mas malagim pang kalamidad gaya nang malakas na lindol at pagsabog ng bulkan.
Subalit hindi mapigil ang mga kababayan natin na ipagdiwang nang marangya ang Pasko at pinapahalagahan natin ang araw ng pagsilang ng ating manunubos.
Sa mga kababayan natin, mayaman man o mahirap, hindi maiwasan na tayo ay gumastos sa panahong ito. Sa pagkaing masasarap at aginaldo para sa ating mga inaanak at mahal sa buhay.
Diyan lalong namamayagpag ang mga negosyo sa panahon ng Christmas rush. Kaya bagama’t may magandang layunin ang austerity, may masamang implikasyon din ito sa ekonomiya.
Bayaan na lang natin na magdiwang nang marangya ang mga ibig magdiwang at magtipid yung ibig magtipid. Ngunit kung sakaling nababagabag tayong isipin ang mga biktima ng kalamidad, yung malaking gagastusin natin para sa sariling kasiyahan ay ilaan na lang bilang tulong sa mga kapuspalad na biktima.
Tingin ko, mas spiritually rewarding ito dahil nakatulong tayong maibsan ang pagdurusa ng mga kababayan nating nagdaranas ngayon ng paghihirap.
- Latest