PINA-FIRING squad ni North Korea leader Kim Jong Un ang 34 opisyales nu’ng Setyembre. Kapabayaan daw nila kaya namatay ang 4,000 sa baha.
Normal sa North Korea bitayin ang tiwali o pabayang opisyales. Karaniwang 10 kada taon. Pero mahigit 100 nu’ng 2023.
Walang parusang bitay sa Pilipinas. Pero inggit ang mga Pilipino sa kamay na bakal sa North Korea.
Sa State of the Nation niya nu’ng Hulyo 22, ipinagyabang ni President Bongbong Marcos ang pagtapos sa 5,500 proyektong kontra baha. Sa sumunod na dalawang araw, 39 ang nalunod sa baha ng Typhoon Carina. Daan-daang libong bahay, tindahan, at opisina ang nawasak. Libong ektaryang pananim ang nabulok.
Naglaan ang gobyerno ng P90-bilyon anti-flood funds nu’ng 2020, P102 bilyon nu’ng 2021, P129 bilyon nu’ng 2022, P183 bilyon nu’ng 2023, at P245 bilyon ngayong 2024.
Habang tumataas ang pondo, lumalawak at lumalalim ang baha. Dumarami ang napipinsala.
Tapal-tapal, pansamantala, pang-emergency lang daw ang 5,500 proyekto, inamin ni DPWH sec. Manuel Bonoan. Duda ang marami kung totoong ginugol ito sa kapakanan ng madla.
Matagal nang binunyag ni Sen. Panfilo Lacson na dinadambong ng mga mambabatas ang pondo. Pinapartehan nila ang district engineers at iba pang taga-Ehekutibo.
Patuloy sisirain ng baha ang buhay at kabuhayan ng Pilipino. Patuloy kasi nilang hinahalal ang mga mandarambong.
Kung igiit ng madla ang batas, titino ang opisyales. Kung hindi, e di mainggit na lang sa North Korea.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).