NAKAKALIGTAAN ng Dapartment of Environment and Natural Resources (DENR) ang kalagayan ng mga kabundukan na ngayon ay kalbo na. Kaya kapag nananalasa ang mga bagyo ay wala nang proteksiyon ang mga kabundukan. Kapag bumaha, hanggang bubong ng bahay.
Magkakasunod ang mga nagdaang bagyo—Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel at Pepito at pawang malalakas o super typhoon kaya maraming bahay, pananim at mga ari-arian ang napinsala.
Dapat nang saltikin ni President Ferdinand Marcos Jr., ang DENR para kumilos at mapigilan ang walang habas na pagkalbo sa mga kabundukan. Dapat maghigpit ang DENR sa mga sumisira sa kabundukan.
Nang manalasa ang Bagyong Kristine sa Agoncillo at Laurel, Batangas, maraming namatay nang gumuho ang kabundukan doon. Kaya’t kapansin-pansin na ang mga rumagasang putik ay may kasamang mga malalaking troso. Sa Bicol Region, marami ring nasirang bahay at ari-arian dahil sa baha.
Hindi pa nakabangon ang mga sinalanta ni Kristine, nanalasa naman ang Bagyong Leon na sinagasaan ang Northern Luzon. Maraming bahay ang nawasak. Maraming pananim ang nasira.
Sunod na nanalasa ay ang Bagyong Marce na pininsala ang mga probinsiya sa Northern Luzon at Batanes group of Island. Maraming ari-arian at pananim ang nasira dahil sa lupit ni Marce.
Sunod na nanalasa ay ang Bagyong Nika na tumama rin sa Hilagang Luzon. Marami ring napinsalang pananim at mga bahay na nasira. Marami ang nilikas sa evacuation centers.
Pagkatapos ni Nika ay ang Bagyong Ofel naman ang nanalasa na nagdulot din nang malaking pinsala. Maraming bahay at pananim ang nasira.
Pinakahuling nanalasa ay ang Bagyong Pepito na grabeng tinamaan na naman ang Bicol Region. Grabeng napinsala ang mga probinsiya ng Catanduanes, Camarines Sur, Aurora Province, at Nueva Vizcaya. Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nasa 852,475 katao ang apektado sa buong bansa. Marami sa kanila ang humihingi ng tulong.