Alam n’yo, palagi kong sinasabi, walang katumbas ang saya kapag nakikita kong masaya ang ating mga senior Makatizen. Isa sa mga pinaka-nakatutuwang bahagi ng aking trabaho ay ang makita kayong ini-enjoy ang inyong retirement years nang walang iniintindi—dahil alam kong para sa marami sa inyo, ito na ang panahon para magpahinga at magpakasaya.
Kaya naman labis ang kasiyahan ko na mahigit 50,000 senior citizens sa Makati ang patuloy na tumatamasa ng mga better na benepisyo mula sa Blu Card program.
Halos lahat ng kailangan ay naisip na natin: mula sa cash incentives, libreng pelikula, health care, birthday cakes, hanggang sa burial assistance—lahat ito ay hatid natin upang masiguro na ang inyong pamumuhay ay mas komportable at mas masaya.
Ngayong taon, halos 38,000 Blu Card holders na ang nakatanggap ng mid-year cash incentives na umabot sa kabuuang P71.8 milyon. Sa bawat edad, may nakalaang halaga—P1,500 para sa mga 60-69 years old, P2,000 para sa mga 70-79, P2,500 sa mga 80-89, at P5,000 para sa mga 90-99.
Dalawang beses sa isang taon sila nakakatanggap nito, tuwing June at December. Ang ating mga centenarian na 101 pataas ay nakakatanggap din ng cash incentive, at kung matagal na silang miyembro ng Blu Card, P5,000 ang kanilang natatanggap kada June at December.
Bukod sa cash incentives, isa pa sa mga benepisyong paborito ko ay ang libreng sine. Alam kong marami sa inyo ang mahilig sa pelikula—isa itong paraan para mag-relax, tumawa, o kaya’y magbalik-tanaw sa mga paboritong kuwento sa big screen.
Ngayong taon lang, umabot na sa 55,871 ang mga senior na nakinabang sa libreng panonood sa mga sinehan gaya ng Glorietta, Ayala Malls Circuit, Greenbelt, at ngayon, pati na sa WalterMart Makati.
Syempre, hindi rin mawawala ang birthday cakes! Napapangiti ako kapag naiisip ko na may 22,100 cakes na naipamahagi ngayong taon. Isa itong simpleng paraan para iparamdam na mahalaga kayo at espesyal ang inyong araw.
Meron din tayong libreng salon at spa services—alam ko kung gaano ito kalaking bagay para sa inyo. Halos 3,256 seniors ang nakapagpa-haircut, nail care, o chair massage na ngayong taon.
Para naman sa mga nangangailangan ng mobility aids, nagbigay na rin tayo ng 154 wheelchairs at canes. Napakagandang makita ang ngiti ng mga benepisyaryo habang nagiging mas mobile sila.
At ang ating pangangalaga ay hindi nagtatapos sa mga benepisyong pampa-happy. Sa ilalim ng Yellow Card program, patuloy na libre ang healthcare at maintenance medicines para sa ating seniors.
Hindi n’yo na kailangan pang pumila o maglakad nang malayo dahil inihahatid ito sa inyong mga tahanan. Mayroon din kayong access sa flu at pneumonia vaccines, unlimited dialysis, at hospice care para sa mga nangangailangan.
Hindi ko rin makakalimutan ang ating Lakbay Saya. Gustung-gusto kong makita kayong masiglang nakikilahok sa mga lakbay-pasyal. Nitong Mayo, 105 seniors ang sumama at kitang-kita sa kanilang mga mata ang saya at sigla. Alam kong napakahalaga ng ganitong mga programa para manatiling aktibo at masaya.
Para sa akin, ang tunay na layunin ng Blu Card ay maipadama sa inyo na hindi kayo nag-iisa. Gusto kong maramdaman ninyo na sa Makati, mahalaga kayo at hindi namin kayo nakakalimutan.
Lahat nang ito ay aming ginagawa dahil naniniwala akong nararapat lamang na sa dapit-hapon ng inyong buhay, kayo ay maginhawa, masaya, at ramdam ang pagmamahal ng pamahalaan.
Maraming salamat sa patuloy na tiwala. Pangako ko na patuloy akong maglilingkod nang buong puso para sa ikabubuti ng bawat isa sa inyo. Sa Makati, tuloy ang ating pag-asenso—kasama kayo sa bawat hakbang.