Sampal kapalit ng pirma sa waiver
Kung sadyang hindi guilty si dating Presidente Duterte sa ipinaparatang na P2.4 billion ill-gotten wealth na mula sa droga, bakit urong-sulong siya sa sinabi niyang lalagda siya ng waiver para buksan ang mga nasabing deposito?
Sa nakaraang quad committee investigation ng Mababang Kapulungan, tiniyak ni Duterte na lalagda siya ng isang kasulatan upang payagang mabuksan ang mga naturang secret bank deposits. Kung mapatunayang totoo ang alegasyon ni dating Senador Antonio Trillanes ay magbibigti siya sa harap ng publiko. Iyan ang paniniyak ni Duterte sa bulwagan mismo ng Mababang Kapulungan.
Ngunit nang naghamon si Trillanes na gawin na ang waiver at pirmahan “ahora mismo”, nagwala ang matanda at sinabing sasampalin muna ang dating senador. In fairness, nag-sorry naman si Duterte sa kanyang conduct unbecoming.
Sa ganitong pabagu-bagong isip ni Duterte, nagdududa tuloy, hindi lang ang mga mambabatas kundi ang maraming mamamayan sa sinseridad niya. Kasi, parang boladas lang o bluff ang tinuran niya na kung tatanggapin ay magbabago agad ang isip niya.
Lalo naman itong nagbigay ng determination kay Trillanes na ipursige ang kaso dahil sa tuwing uungkatin ito, nagiging aligaga at mainit ang ulo ni Duterte. Indikasyon na maaaring may itinataboy siyang kasalanan. Pero mahirap lang puro assumption lang tayo sa mga isyung di pa napapatunayan.
Gusto ko nga sana at nang marami na makasuhan na si Duterte para lumabas na ang katotohanan. Pero ang ipinakitang flow chart ni Trillanes kung paano hinati-hati sa pamilya ni Duterte ang malaking halaga ay walang bigat. Papel lang ito na walang kumpirmasyon.
Puwedeng maghabla pero kung walang airtight evidence, sayang lang ang pagod at lalabas pang biktima ng demolisyon si Duterte. Sa ganitong sitwasyon, hindi talaga mapipigil kung mabuo sa isip ng ilang kababayan natin na lord of all drug lords si Duterte.
Kunsabagay may malawak pang following ang dating Pangulo na binubuo ng mga taong halos diyosin siya. Kaso, ang suma-total nito ay pag-aaway ng mga mamamayan.
- Latest