Nagkaroon ng instant tourist attraction ang isang seasonal ice skating rink sa Milton Keynes, England nang maiwan ng isang staff nito ang iPhone ng kanyang anak sa ilalim ng yelo!
Ayon sa ulat, nawalan ng sariling cell phone ang isa sa mga trabahador ng Willen on Ice na nag-set up ng skating rink, kaya napilitang hiramin nito ang bright pink na iPhone ng kanyang anak.
Ngunit sa hindi inaasahang pangyayari, nalaglag ito sa kanyang bulsa at hindi na ito nabalikan bago tuluyang binuhusan ng tubig ang rink at nagyelo ang buong lugar.
Kinabukasan, habang iniinspeksyon ang yelo, napansin ng isa sa mga kasamahan nito ang cell phone na nakabaon sa gitna ng rink. Subalit dahil sa delikadong proseso ng pagtanggal nito, napagdesisyunang hayaan na lamang ito roon.
“Habang iniinspeksyon namin ang yelo sa rink, napansin namin na may matingkad na pink sa ilalim ng yelo. Nang pinagmasdan namin itong mabuti, nakumpirma namin na cell phone ito ng anak ni Steve,” ayon kay Rob Cook, direktor ng Ice Leisure, ang kumpanyang nag-set up ng yelo sa rink.
“Sa kasamaang-palad, hindi na namin ito makukuha mula sa yelo sa ngayon. Kung huhukayin, masisira ang buong ice skating rink. Kaya’t mananatili itong nakabaon sa ilalim ng yelo sa loob ng dalawang buwan.”
Walang nagawa ang trabahador na si Steve kundi ipagtapat ang nangyari sa kanyang anak. Nangako siyang bibigyan ito ng pansamantalang kapalit na cell phone habang hinihintay na matunaw ang yelo.
“Sa simula, hindi natuwa ang anak ko, lalo’t bago lamang niyang binili ang phone case nito. Pero matapos ang kaunting paliwanag at pangakong kapalit, unti-unti rin siyang kumalma,” ani Steve.
“Kung sakaling hindi na gumana ang cell phone matapos itong matunaw, nangako akong papalitan ito ng bago,” dagdag ni Steve.
Dahil sa pangyayaring ito, pinaiigting ng Willen on Ice ang pagbabantay upang maiwasang may magtangkang basagin ang yelo at kunin ang cell phone.