Karapatan ng pulitiko magnakaw—bakit?

Isinatagalog ko ang ulat ng Philippine Free Press nu’ng 1961:

“Anuman ang ibenta mo, malaya gawin ng bumili ang nais niya sa kagamitan. Maari niya ito ibenta sa iba na may tubo o wasakin niya ito.

“Ganundin kapag nagbenta ka ng boto. Wala nang pana­nagutan saiyo ang bumili ng boto mo paglipas ng halalan.

“Sa pagbenta mo ng boto, isinalin mo sa bumili ang kara­patan mo. Maari niyang isulong ang sariling interes, hindi ang kapakanan mo—at walang kaduda-duda na gagawin niya ito.”

Makalipas ang 64 na taon naglipana pa rin ang bilihan ng boto. Ang nagbago lang ay ang presyo ng pambili at halaga ng ninanakaw.

Depende sa pook, ang isang boto ay P500-P15,000. Kina­­kagat ito ng mga maralita. Mapapansin na pagsara ng pre­sinto sa araw ng halalan, punumpuno ng mamimili sa supermarkets—puro mahihirap.

Shutterstock file photo

Nang ibalik ang kongreso nu’ng 1987 bumalik din ang pork barrels. Tig-P200 milyon kada senador, at P70 mil­yon kada congressman kada taon ang Countrywide Development Fund. Dumoble ito kada taon simula 2001 sa Priority Development Assistance Fund.

Binawal ng Korte Suprema ang pork barrels nu’ng 2014.

Imbis na sumunod sa pasya, lalong nagnakaw ang mga mambabatas. Naging “insertions” ang pangkubli sa pork barrels.

Paborito nila ang flood works. Peke ang dredging ng mga ilog at lawa. Binubulsa ng mga senador at kongresista ang tig-ilang bilyong flood funds kaya malala pa rin ang baha kahit saan.

Paborito rin ang asphalt overlay, rock netting, at cat’s eyes. Kumi-kickback ang mga politiko ng tig-40 percent ng pondo ng proyekto.

Hindi pa nakuntento ru’n. Sila na rin ang kontratista at suppliers. Dagdag na 30 percent na maruming kita.

Kaya palpak lahat ng proyekto ng gobyerno.

Show comments