Tumakas, pinigilan, ibabalik

Matapos magbigay ng pasabog sa Senado hinggil sa drug war ni dating President Rodrigo Duterte kung saan may sistema ng pabuya umano para sa mga pulis na maka­kapatay ng mga “nanlaban” na suspek, nagtungo sa U.S. si dating police colonel at PCSO general manager Royina Garma kasama ang anak na si Angelica Garma Vilela.

Kung bakit umalis si Garma, hindi pa alam hanggang ngayon. Dahil ba sa takot na mabuweltahan ni Duterte, o dahil mahaharap siya sa kasong pagpatay kay PCSO board secretary Wesley Barayuga noong Hulyo 2020?

Hindi siya pinayagang makapasok sa U.S. dahil kan­selado ang kanyang visa. Kung paano siya nakaalis kung kanselado na pala ang kanyang visa ay dapat tanungin muli sa Senado. Hindi ba’t mahigpit na ang immigration sa NAIA? Walang inilabas na detalye ang DOJ tungkol sa pagpigil kay Garma, pero tiyak na hiningi agad ang tulong ng mga opisyal sa U.S. Pababalikin na raw ang mag-ina sa Pilipinas.

Mala-Alice Guo ang sinapit ni Garma. Sa bilis ng tekno­lohiya sa komunikasyon ngayon, mahirap na ring tumakas lalo na’t may kaso. At dahil nahuling tumatakas, wala nang posisyon si Garma kundi makipagtulungan sa gobyerno para sa mga kasong isasampa sa mga nasangkot sa ma­dugong kampanya laban sa iligal na droga ng Duterte admi­nistration. Maliban na lamang kung magiging tikom ang bibig at hihintayin na lang ang pagsalang sa korte.

Tandaan, hindi nag-iisa si Garma sa paglabas ng mga malalamang pahayag. May mga sumegundo sa kanyang pulis at nagbigay pa ng karagdagang detalye. May mga prominenteng senador na idinadawit sa imbestigasyong ito. Hindi ba malaman iyan?

Ang tanong na lang ay kaya ba ng administrasyong ito magsampa ng kaso sa mga kinauukulang tao? Kaya ba nilang magsampa ng kaso sa mga senador, pulis at si Duterte mismo? O wala na namang saysay ang mga pagdinig sa Senado at mababaon na lang lahat sa limot?

Tila pinaglalaruan nga ni Duterte sa kanyang huling pagdalo sa Senado ang komite na nag-iimbestiga. Mukhang kampante na hindi siya makakasuhan kaya malakas ang loob na magbigay ng mga sarili niyang pasabog.

Show comments