PATULOY na iniisnab ng mga opisyales ng Office of the Vice President (OVP) ang hearing ng House Committee on Good Government and Public Accountability. Sa kabila nang maraming imbitasyon ng komite para sa pagdinig kaugnay sa iregularidad ng paggasta ng pondo ng OVP at sa confidential funds na ginasta sa loob lamang ng 11 araw, hindi dumalo ang apat na OVP executives sa pagdinig noong Lunes. Dahilan para patawan sila ng contempt at ipinaaaresto na ng Kamara. Ang mga iniutos arestuhin at i-detained ay sina Gina Acosta, OVP Disbursing Officer; Lemuel Ortonio, OVP Assistant Chief of Staff and Bids and Awards Chairperson; Sunshine Fajarda, dating DepEd Assistant Secretary at mister nitong Edward Fajarda, dating DepEd Disbursing Officer.
Dumalo naman sa pagdinig ang apat pang OVP executives na sina: Rosalynne L. Sanchez, OVP administrative and financial services director; Julieta Villadelrey, OVP chief accountant; Kevin Gerome Tenido, OVP chief administrative officer; at Edelyn Rabago, OVP budget division officer-in-charge.
Tumanggi namang manumpa para magsabi ng katotohanan ang Chief legal counsel ng OVP na si Emily Torrentira kaya kinuwestiyon ni Abang Lingkod Partylist Rep. Joseph Stephen Paduano. Tinanong ni Paduano kung ano ang papel at naroon sa pagdinig sa kabila na hindi naman ito imbitado. Sagot ni Torrentira na nirereprisinta raw niya ang institusyon. Pinalabas si Torrentira.
Hindi pa naman bumabalik sa bansa ang isa pang OVP official na inimbitahan din ng Kamara. Umalis noong Nobyembre 4 patungong United States ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte na si Undersecretary Zuleika Lopez. Pirmado umano ni Sara ang pagbiyahe ni Lopez. Personal umano ang biyahe ni Lopez at wala itong kinalaman sa kanyang trabaho sa OVP. Kasama si Lopez sa inisyuhan ng subpoena ad testificandum ng Kamara matapos tumangging dumalo sa pagdinig.
Ang patuloy na pang-iisnab ng mga opisyales ng OVP ay lalo namang nagbibigay ng pagdududa na mayroon nga silang itinatago kaugnay sa paggastos ng pondo at ganun na rin sa confidential funds.
Bakit kailangang may umalis ng bansa at ang iba pa ay patuloy na winawalambahala ang imbitasyon ng Kamara para sa pagdinig. Ang pag-alis ay indikasyon na may tinatakasan at iniiwasan. Bakit hindi harapin ang mga nag-iimbestiga at sagutin ang inaakusa. Walang dapat ikatakot kung walang ginagawang kasalanan. Ang patuloy na pag-iwas ay nagpapahiwatig na mayroong itinatago.
Dapat ipagpatuloy ang pagdinig ng Kamara upang mahukay ang katotohanan. Posibleng may itinatago sa “mahiwagang baul”.