NOONG nakaraang buwan, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ng 61.87 percent ang krimen mula Hulyo 2022 hanggang Hulyo 2024. Meron lamang anilang 83,059 na naireport na krimen sa panahong nabanggit kumpara sa 217,830 na naireport mula 2016 hanggang 2018. Kabilang umano sa mga index crime na nareport ay pagnanakaw, pananakit, panggagahasa, panloloob, pagpatay, pagnanakaw ng motorsiklo at iba pang sasakyan.
Subalit ang sinasabing pagbaba ng crime index ay sumasalungat naman sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing dumami ang nabibiktima ng mga criminal at maging cybercrime. Ayon sa SWS survey, tumaas ang krimen sa nakalipas na anim na buwan. Sa loob ng panahong nabanggit, dumami ang nabibiktima ng mga criminal at maging ng cybercrime. Sa isinagawang survey mula Setyembre 14-23, nakita ang 6.1 percent na pamilya na nagsabing nabiktima sila ng mga krimen na kinabibilangan ng pagnanakaw, pandurukot at pananakit sa nakalipas na anim na buwan. Ginawa ang surbey sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas at Mindanao kung saan 1,200 katao ang ininterbyu.
Naitala ang bagong mataas na record sa mga nabiktima ng cybercimes na 7.2 percent o pagtaas na 3.5 percent mula Hunyo 2024. Umabot naman sa 48 percent ng mga respondent ang nagsabing natatakot silang maglakad sa gabi dahil sa pangambang maholdap.
Sino ang paniniwalaan, ang publiko na nakararanas mabiktima ng mga kawatan at mga criminal o ang pulisya na nagsasabing bumaba ang krimen? Halos araw-araw ay may nangyayaring krimen at ang iba marahil ay hindi na narereport.
Ngayong papalapit na ang Pasko, tiyak nang magiging aktibo ang mga kawatan. Magiging abala sila sa pambibiktima ng mamamayan lalo’t sa panahong ito nagkakaloob ng 13th month pay at bonus ang mga kompanya.
Marami rin sa panahong ito magdamag na bukas ang mga malls at mga department stores para sa mga shoppers. Sikapin ng PNP na mabantayan ang mamamayan. Gawing 24 hours ang pagpapatrulya ng pulisya para ma-secure ang publiko. Police visibility ang kailangan para hindi maglakas loob ang mga criminal.