NOONG Biyernes (Nobyembre 8) ay ginunita ang ika-11 anibersaryo nang pananalasa ng Bagyong Yolanda sa mga lalawigan ng Samar, Leyte at iba pang probinsiya sa Visayas.
Ang bangis ng Yolanda ay muling naramdaman sa pagtama ng Bagyong Kristine kamakailan. Maraming probinsiya ang tinamaan kasama na ang Bicol Region partikular ang mga probinsiya ng Camarines Norte, Camarines Sur, Albay at Catanduanes; Calabarzon area partikular ang Quezon at Batangas; Northern Luzon partikular ang Isabela, Cagayan, Cordillera Region at Ilocos Region.
Maraming namatay na ayon sa report ay umabot sa 150 at may mga hindi pa natatagpuan. Maraming bahay at ari-arian ang nawasak. Nagkaroon nang grabeng pagbaha at pagguho ng lupa sa Batangas.
Dahil sa naranasang pagbaha sa Bicol at Batangas, naglutangan ang mga batikos at tanong kung saan dinala ang bilyong pondo para sa flood control projects. Umapaw ang mga ilog at may mga nalunod dahil sa biglang pagtaas ng baha. Maraming bahay ang tinangay ng baha.
Sabi ng mga residente, hindi naman daw nangyayari ang ganoong klase ng baha kaya nagtataka sila kung ano ang dahilan. Mabagal din daw humupa ang baha.
Samantala, dapat namang ma-supervise ng Commission on Audit (COA) ang mga perang ipinamumudmod ng ilang kandidato sa mga naapektuhan ng bagyo. Namumudmod rin kasi ng ayuda ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at baka akalain na galing iyon sa mga kandidatong tatakbo sa 2025 elections. Baka akala na galing sa sariling bulsa ng mga kandidato.
Dapat maglabas ang COA ng mga patnubay o polisiya kung tama ba ang pamumudmod ng datung ng mga kandidato. May mga pulitiko na inaangkin na kanila ang ayudang pinamahagi ng DSWD. Isa pa, magdadalawang isip ang mamamayan kung ano ang magiging kapalit ng pamumudmod ng kandidato para sa 2025 elections. Abangan!