^

PSN Opinyon

Sino ang natapakan nina Hernia at Cariaga?

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas - Pilipino Star Ngayon

May natapakan daw na malaking tao sina National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Sidney Hernia at Anti-Cybercrime Group (ACG) director Maj. Gen. Ronnie Francis Cariaga kaya sinibak sila sa puwesto, ayon sa mga retiradong miyembro ng Manila Police District (MPD).

Kauupo pa lamang ni Hernia sa NCRPO kaya nagulantang ako nang malaman na sinibak na siya sa puwesto. Humihingi umano ng milyones na pera ang dalawang ­opisyales matapos salakayin ng kanilang tropa ang Century Park Tower sa Adriatico St., Malate, Manila.

Ang establishment ay tinaguriang “Mother of all scam hubs” kaya maraming lihim ang mabubunyag kung magpapatuloy ang malawakang imbestigasyon ng NCRPO at ACG. Kaya sa tingin ko, gumawa na ng hakbang ang sindikato upang mapatigil ang mga ito na nagresulta sa pagkasibak kina Hernia at Cariaga.

Sa raid, inaresto ng NCRPO at ACG ang 69 na dayuhan. Pero hindi tinanggap ng Bureau of Immigration ang mga dayuhan dahil sa teknikalidad. Dahil dun, ni-release ng raiding team ang mga dayuhan.

Lumalabas na nagsariling lakad ang mga tauhan ni Hernia at Cariaga. Binalewala nila ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at BI na dapat kasama nila sa pagsalakay.

Ayon kay PNP Spokeperson Brig. Gen. Jean Pajardo, ang scam hub ay dalawang beses nang sinalakay ng NCRPO-ACG. Nagpapalit lamang umano ng pangalan ang hub at balik na naman sa kanilang operasyon.

Nagtataka naman ako kung bakit pinakialaman ng mga pulis ang CCTV. Bakit kailangang sirain ang CCTV? May gustong itago ang mga tauhan ni Hernia at Cariaga?

Nagreklamo ng extortion sa NAPOLCOM ang mga ­dayuhan. Hinihingan daw sila ng P4 milyon ng dalawang police officials. Bawat isa raw ay P1 milyon.

Palagay ko, dapat kumilos nang mabilis si Department of Justice secretary Jesus Cripin Remulla. ­Paimbestigahan niya ito para malaman kung totoo na nang-e-extort ­sina Hernia at Cariaga. Kung wala naman, dapat ibalik sa puwesto ang dalawa. Para naman malinis ang kanilang pangalan. Kung totoo naman ang akusasyon sa kanila, dapat tuluy-tuloy na ang pagsibak sa kanila.

Ipagpatuloy naman ng mga awtoridad ang pagsalakay sa mga illegal POGO hubs para tuluyan nang mawalis sa bansa ang mga ito. Dapat bago matapos ang 2024 ay malinis na sa POGO ang bansa. Di ba’t ito ang pinangako ni President Ferdinand Marcos Jr. nang magtalumpati sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 22, 2024? Sabi ni Marcos, dapat nang walisin ang POGO sapagkat ito ang mistulang salot na nagpapahirap sa bansa. Sumisira raw ito sa dignidad ng bansa.

Mula nang mag-operate ang POGO sa bansa noong 2017 sa panahon ni dating President Rodrigo Duterte ay marami nang krimen na naganap. Mga Chinese na nagtatrabaho sa POGO ang mga sangkot. Kinikidnap nila ang mga kapwa Chinese na lulong sa sugal at hinihingan ng ransom money. Kapag hindi nakapagbigay ng ransom ay kanilang pinapatay. Itinatapon nila ang mga bangkay sa kung saan-saang lugar sa Metro Manila. Dahil sa mga krimen na may kaugnayan sa POGO, masama ang naging imahe ng bansa. Kaya dapat lang na tuluyan nang mawala sa bansa ang POGO. Abangan!

MPD

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with