Isang punerarya sa Poland ang naglabas ng public apology noong Sabado matapos mahulog ang isang bangkay na kanilang karo at naiwan ito sa kalsada!
Ayon sa isang Polish news agency, may hindi pinangalanang motorista na dumadaan sa Stalowa Wola road, nang bigla niyang napansin na may isang tela na hinangin sa windshield ng kanyang sasakyan.
Agad siyang tumigil sa pagmamaneho at nang dumulas ang tela, nakita niya ang isang katawan na nakahiga sa daan. Ang unang akala ng motorista ay nakabangga siya ng tumatawid sa pedestrian lane.
Ayon sa mga ulat mula sa lokal na media, nahulog ang bangkay mula sa karo sa mismong pedestrian lane. Agad namang kumalat ang larawan ng katawan sa mga Polish netizens na nagdulot ng pagkabahala sa mga residente.
Ang Hades Funeral Services, ang puneraryang nakaiwan ng bangkay sa kalsada, ay naglabas ng opisyal na pahayag noong Sabado, kung saan inako nila ang responsibilidad sa insidente at isinisi ito sa technical problem ng kanilang karo.
Isinaad ng mga ito na hindi inaasahan na nasira ang electric tailgate lock ng kanilang karo habang itinatransport ang isa sa mga labi ng kanilang kliyente.
Ipinapangako nila na ang pagkakamaling ito ay hindi sumasalamin sa standards ng kanilang kompanya at mataas na respeto na lagi nilang ipinakikita sa mga yumao.
Humihingi rin sila ng pakikiramay sa mga pamilya ng namatay. Humingi sila ng paumanhin sa lahat ng mga nadismaya at nagimbal sa naturang insidente.