ILANG beses nang inimbitahan ng House committee on good government and public accountability ang anim na opisyal ng Office of the Vice President (OVP) at isang dating opisyal ng DepEd. Iniimbitahan ang pito upang pagpaliwanagin sa pondo ng kanilang tanggapan, kabilang na ang confidential funds na ginastos lamang sa loob ng 11 araw. Pero sa kabila ng imbitasyon, patuloy na iniisnab ng mga opisyal ang Kamara.
Noong Nobyembre 4, bumiyahe patungong United States ang chief of staff ni Vice President Sara Duterte. Pirmado umano ni Sara ang pagbiyahe ni Undersecretary Zuleika Lopez. Tatagal ang biyahe ni Lopez hanggang Nobyembre 16, 2024. Personal umano ang biyahe ni Lopez at wala itong kinalaman sa kanyang trabaho sa OVP. Kasama si Lopez sa inisyuhan ng subpoena ad testificandum ng Kamara matapos tumangging dumalo sa pagdinig. Umalis si Lopez sa bisperas ng pagdinig ng Kamara.
Sabi ni Rep. Benny Abante patuloy silang binabastos ng mga opisyal ng OVP sapagkat ilang beses na nilang inimbitahan subalit hindi dumadalo. Muling naglabas ang Kamara ng panibagong subpoena sa mga opisyal ng OVP. Sabi ni Abante, isa-cite na for contempt ang mga opisyal ng OVP at DepEd sakaling isnabin muli ng mga ito ang pagdinig.
Naglabas naman ng immigration lookout bulletin (ILBO) laban sa anim na opisyal ng OVP at isang opisyal ng DepEd. Nilagdaan ni DOJ Sec. Crispin Remulla ang ILBO laban kina OVP chief of staff Zuleika Lopez, assistant chief of staff and bids and awards committee chairman Lemuel Ortonio, administrative and financial services director Rosalynne Sanchez, special disbursing officers Gina Acosta at Edward Fajarda, chief accountant Julieta Villadelrey at dating DepEd assistant secretary Sunshine Charry Fajarda.
Ngayong nasa lookout bulletin na ang mga nasabing opisyal, hindi na sila makakalabas ng bansa. Hihintayin naman ang pagbabalik ni Lopez na nakatakda sa Nobyembre 16. Kapag hindi siya dumating sa nasabing petsa, malaki ang hinala na talagang tumakas na siya ng bansa para iwasan ang pagdinig ng Kamara ukol sa pondo ng OVP at confidential funds.
Nararapat namang mabantayan ang anim pang opisyal at baka makalabas sila ng bansa. Lahat ay gagawin para makaiwas sa pagdinig. At habang ginagawa nila ang pag-iwas, lalo namang tumitibay ang hinala na mayroon ngang anomalya sa paggastos ng pondo at confidential funds sa OVP at DepEd sa panahon ni Sara.