EDITORYAL — Pagdami ng dengue cases sa Metro Manila
Nakaaalarma ang report ng Department of Health (DOH) na umabot na sa “alert level” ang mga kaso ng dengue sa Metro Manila. Ibig sabihin mas mataas ang kaso kaysa sa normal level at mayroon nang epidemic threshold ng dengue.
Ayon kay Mary Grace Labayen ng DOH-NCR Regional Epidemiology and Surveillance Unit, ay naitatala nang 24,232 kaso ng dengue sa Metro Manila mula Enero 1 hanggang Oktubre 26, 2024. Mas mataas ito kumpara sa 18,020 na kaso ng dengue noong nakaraang taon sa parehong buwan. Ayon kay Labayen, pinakamarami ang kaso sa Quezon City. Ayon pa sa DOH, 66 na ang namamatay sa MM sa loob ng 10 buwan ngayong taon.
Hinihikayat ng DOH ang publiko na mag-ingat sa dengue at hanapin ang mga posibleng pinamumugaran at pinangingitlugan ng mga lamok. Sinabi ng DOH na karaniwang sa mga lugar ng informal settlers maraming namumugad na lamok ganundin sa mga lugar na siksikan ang mga naninirahan.
Maraming bagyo na ang dumaan sa bansa at ang pinakahuli ay ang Bagyong Marce na nananalasa ngayon sa Batanes, Cagayan, Ilocos Norte, Abra, Mountain Province at Nueva Vizcaya. Nagdudulot ng pagbaha ang pagtama ng bagyo at sa mga iniwang baha nagpaparami ang mga lamok. Nang tumama ang mga bagyong Kristine at Leon noong nakaraang buwan, nagdulot ito ng pagbaha sa Bicol Region at Calabarzon. Lubog sa baha ang maraming lugar kabilang ang Batangas. Inaasahan na darami rin ang kaso ng dengue sa mga binahang lugar.
Ang baha ang breeding ground ng mga lamok na Aedes Aegypti na pinanggagalingan ng dengue. Madaling makilala ang lamok sapagkat mayroong guhit na puti sa katawan. Madaling dumami ang lamok na ito kaya ipinaalala sa mamamayan ang paglilinis sa kapaligiran lalo na sa MM.
Linisin o itapon ang mga basyong bote, grapa, mga tapyas na gulong ng sasakyan, plorera at iba pang lalagyan na naistakan ng tubig. Alisin din ang mga damit na nakasampay sa madilim na kuwarto ng bahay.
Ang mga bata ang karaniwang biktima ng dengue kaya nararapat na pagsuutin sila ng damit na may mahabang manggas at jogging pants para makaligtas sa kagat ng lamok. Ganito rin sana ang ipasuot sa mga bata habang nasa school para makaiwas sa kagat ng lamok. Sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, pananakit ng ulo, pagkakaroon ng rashes, at ihi na kulay kape.
Kapag nakaranas ng ganitong mga sintomas, kumunsulta agad sa doktor para maagapan ang dengue. Huwag ipagwalambahala ang mga sintomas. Maging alerto sa pagtama ng dengue.
- Latest