Lalaki, natuklasan na ang kanyang housemate ay lihim na natutulog sa ilalim ng kanyang kama!

Isang 24-anyos na lalaki sa US ang nagbahagi sa website na Reddit ng kanyang nakakakilabot na karanasan matapos niyang mahuli ang kanyang housemate na natutulog sa ilalim ng kanyang kama sa loob ng ilang buwan.

Bandang alas tres ng madaling araw, nakaramdam ang Reddit user na si @Slumbering3 ng kaka­ibang paggalaw sa ilalim ng kama.

Sa una ay inakala niyang daga o ibang hayop lamang ito ngunit nang tingnan niya ang ilalim ng kama gamit ang flashlight ng kanyang cell phone, tumambad sa kanya ang kanyang housemate na si Karl, na nakatitig sa kanya.

Ayon sa Reddit post, agad humingi ng paumanhin sa kanya si Karl habang gumagapang palabas ng kama, ngunit labis na natakot siya rito at dali-daling lumabas ng apartment.

Napag-alaman na matagal nang natutulog ang naturang housemate sa ilalim ng kanyang kama upang “magkalapit” sila at magsanib ang kanilang “psychic energies.”

Kuwento pa ng Reddit user, madalas siyang tanu­ngin ni Karl kung interesado ba ito sa pakikipagre­lasyon sa kapwa lalaki, na agad naman niyang tinang­gihan dahil hindi siya komportable sa usaping ito.

Sa kabila ng mga kakaibang kilos ni Karl, nagpatuloy ang dalawa sa pagiging mag-housemate, ngunit hindi na nagdalawang-isip ang Reddit user na tumakas mula sa apartment matapos niyang mahuli ito na nagtatago sa ilalim ng kanyang kama.

Humingi sa kanya ng tawad si Karl sa pamamagitan ng text messages, ngunit hindi ito naging sapat para ma­alis ang takot niya dito.

Nagdesisyon ang Reddit user na umalis pansaman­tala sa apartment at tumuloy sa bahay ng kaibigan habang hinihintay na matapos ang kontrata ni Karl sa kanyang apartment.

Naging mainit na usapin ito sa social media matapos mag-viral ang kwento. Maraming netizens ang nagsabing hindi na dapat pagkatiwalaan si Karl. Bagamat mayroon ding mga netizens na dumepensa kay Karl at sinabing dapat itong patawarin, marami pa ring nanawagan na hindi ito karapat-dapat bigyan ng “second chance” dahil sa paglabag nito sa privacy ng ibang tao.

Tinawag siya ng ilan bilang “predator” at pinayuhan ang Reddit user na humanap na ng bagong housemate.

Show comments