EDITORYAL — Paglabag sa karapatan ng mga bata, tumaas

DUMAMI pa ang mga paglabag at pag-abuso sa karapatan ng mga bata, ayon sa Council for the Welfare of Children (CWC). Naitala ang 18,756 na kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata noong 2023. Nangunguna sa kaso ang panggagahasa sa mga bata at pumapangalawa ang acts of lasciviousness. Ayon kay CWC Director Angelo Tapales, mula pa 2016, nangunguna ang rape at acts of lasciviousness sa mga kaso ng paglabag sa karapatan ng mga bata. Hinihikayat ni Tapales ang publiko na ireport ang anumang uri ng pang-aabuso at paglabag sa karapatan ng mga bata sa Makabata helpline 1383.

Parami nang parami ang mga batang inaabuso. Noong 2022, naireport na 9,000 mga bata ang pinagmalupitan at nakaranas ng sexual abuse. Ayon sa CWC, ang report ay kinuha nila sa mga children protection units sa mga ospital at sa helpline ng CWC.

Ang nakagigimbal sa report ng CWC, nangyari ang pang-aabuso sa mga bata sa loob mismo ng kanilang tahanan. Bukod dito, naganap din ang pang-aabuso sa paaralan at komunidad. Ayon sa CWC, ang mga batang inabuso ay nasa edad 15-17.

Sa imbestigasyon ng International Justice Mission noong 2023, isa sa bawat 100 bata o halos kalahating milyong batang Pilipino ang inaabuso at ikinakalat ang kanilang litrato at video. At ang gumagawa nito ay sariling magulang. Mga menor-de-edad ang nabibiktima at pinagkakakitaan sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga larawan at video sa mga dayuhan. Mga ina ang karaniwang gumagawa ng pagbebenta ng mga hubad na ­larawan o sex live show ng kanilang mga anak.

Kamakailan, isang nanay ang naaresto ng National Bureau of Investigation-Human Traficking Division (NBI-HTD) sa Taguig City, habang kinukunan nito ng video ang dalawang menor-de-edad na anak na babae. Ayon kay NBI Direc­tor Jaime Santiago, nahuli nila ang nanay nang makatanggap sila ng impormasyon na may facilitator sa Pilipinas na nagpapadala ng ­sexually exploitative images at vi­deos ng minors sa U.S. Agad silang nagsagawa ng entrapment operation nang makakuha ng warrant sa korte. Nahuli ang suspek na nanay at na-rescue ang mga anak na menor-de-edad. Kinasuhan ang nanay ng paglabag sa RA 7610.

Ireport ang anumang pang-aabuso sa mga bata. Nararapat mabulok sa kulungan ang mga lumalabag sa karapatan ng mga bata.

Show comments