Century Park Tower, ‘Mother of all POGO hubs’!—NCRPO

MAHIGPIT na binabantayan ng kapulisan ang Century Park Tower, ang 40-storey building sa Maynila, na tinatawag nilang “Mother of all POGO Hubs.” Malakas kasi ang paniniwala ng combined operatives ng Anti-Cybercrime Group at NCRPO na ang remnants ng mga na-raid na POGO sa Pinas ay nagtatago sa building at patuloy na nagsasagawa ng online scams, illegal na sugal at human trafficking. Araguyy!

Kaya’t ang upper floors ng building ay hindi ginagalaw ng raiders hanggang makakuha sila ng search warrants at mabuksan ang mga computers na naka-live pa ang connections. Mismooo! Ayon sa NCRPO, ang Century Park Tower, na matatagpuan sa Adriatico St, Malate ay pag-aari ng negosyanteng si Willy Keng, na hindi pa lumulutang para harapin ang akusasyon laban sa kanya. Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?

Sinalakay ng RSOG ng NCRPO ang Rm. 3214 sa 32nd Floor ng building para i-rescue si Peng Xiao, 31, na ayon sa kanyang ka-live in ay binugbog sa Pasay City at itinago sa nasabing kuwarto. Kasama sa mga na-rescue sina Wang Saixia, 39; Yaang Longtao, 29; Ning Guobin, 32, at Kang Lei, 35.

Inaresto ng RSOG raiders si Qiu Tian, 23, na mahigpit na ginaguwardiyahan ang limang biktima ng human trafficking. Ayon sa RSOG, ang lima ay sapilitang pinatrabaho sa scam operations sa building. Ano ba ‘yan?

Totoo kaya na nasa nasabing building din nagtatago ang mga bataan ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo, na operator din umano ng POGO hub? Tsk tsk tsk! Anong sey n’yo mga kosa? Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Ang matagumpay na pagsalakay ng NCRPO-ACG sa building ay nagpapakita ng matinding paninindigan ng mga ahensiyang ito sa pagpuksa sa mga krimen na may kaugnayan sa online scams, ilegal na sugal, at human trafficking.

Ang ACG raid mga kosa ay alinsunod sa kautusan ni President Bongbong Marcos na lipulin ang POGO na ipinasasara na niya sa Disyembre 15. Ang mga raiders ay armado ng warrant to search, seize and examine computer data na inisyu ng korte.

Nakumpiska ng raiders ang iba’t ibang uri ng cell phones, desktop computers, laptops, SIM cards, digital video ­recorders at face attendance machines. Dipugaaa!

Ang combined NCRPO-ACG raid ay upang ipatupad ang cyber warrants sa kasong cybercriminal activities at hindi human trafficking operations kaya hindi sangkot dito ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).

Kaya lang sa paghalungkat ng na-raid na opisina, nabulaga ang raiders sa natuklasan nilang may 69 undocumented foreign nationals, na nagtatrabaho rito at siyempre inaresto nila.

Subalit nang i-turnover ang mga foreign nationals sa Bureau of Immigration para sa deportation proceedings ay  hindi sila tinanggap ng BI sa kadahilanang hindi sila ang primary objective ng raid.

May punto ang BI, di ba mga kosa?  Hinihintay ng BI ang proper documentation ng PNP bago sila kumilos. Sanamagan! Ang sakit sa bangs nito!

Ayon pa sa mga kosa ko, kaya nanatili ang POGO sa Pinas dahil ang pitsa ng mga opisyales nila ay nandito pa sa bansa. Takot ang POGO officials na tamaan ng kasong plunder kaya’t panay bili nila nang malawak na lupain para makaiwas. Ayaw din nilang ma-deport sa China dahil tiyak may kalalagyan sila. Abangan!

Show comments