Karaniwang kabilang sa mga proseso o dokumentong kailangan sa paghahanap, pagkuha o pagtanggap ng trabaho sa ibang bansa ang tinatawag na job offer. Kahanay ito ng ibang mga rekisitos tulad ng job contract, visa, work permit, passport, resume o curriculum vitae, birth certificate, diploma, police o NBI clearance, professional license, certificate of employment, certificate of training, at marami pa.
Ang job offer ang isa sa mga palatandaan na lehitimo ang trabahong inaaplayan lalo na kung sa ibang bansa. Kung wala ito, niloloko ka na ng kausap mong recruiter. Ibinibigay ang job offer sa aplikanteng napili ng prospective employer na matanggap para magtrabaho sa kumpanya nito. Iba ito sa job order na nagpapakita ng mga bakanteng posisyon o kinakailangang empleyado sa isang kumpanya. Ang mga napipiling aplikante ang binibigyan ng job offer. Kung nag-aaplay ng trabaho sa ibang bansa sa pamamagitan ng isang recruitment agency, dapat maiisyuhan ka ng job offer kapag pumasa ka sa panlasa ng employer at natanggap ka sa trabaho.
Gayunman, kung merong lehitimong job offer, meron ding mga pekeng job offer kaya isa ito sa dapat bantayan ng mga naghahanap ng trabaho sa ibang bansa para hindi mapahamak. Kung illegal ang recruiter, wala itong maibibigay na lehitimong job offer.
Lumabas kamakailan sa Filipino Times ang ilang payo ng Overseas Workers Welfare Administration para makaiwas sa mga pekeng job offer. Una, tiyakin na lehitimo ang inaaplayang kumpanya. Buksan ang official website at social media pages nito. Huwag basta maniwala sa mga ipinapatalastas na trabaho sa internet.
Huwag magpadala ng pera. Palantandaan nang peke at scam ang job offer kapag pinagbabayad ka ng processing o placement fees. Tawagan ang numero ng telepono / cellphone ng kumpanya. Maraming iligal na kumpanya ang nagpoposte ng pekeng contact number sa mga website at social media. Tiyaking matatawagan muna ang mga ito o kung kailangan at may pagkakataon ay puntahan ang pisikal na opisina nito.
Isa sa mga unang hakbang ang pagtukoy at pagkilala sa kumpanyang papasukan o ina-aplayan sa ibang bansa. Sa Kalibrr, ipinapayo na saliksikin sa internet ang kumpanya o recruiter na nag-aalok ng trabaho at kalapin hangga’t maaari ang lahat ng mahahalagang impormasyon. Kung meron itong website, basahin ang nilalaman ng bawat pahina nito dahil ang mga lehitimong recruiter ay lantarang nagbibigay ng impormasyon hinggil sa kanilang mga negosyo, proseso ng pagkuha ng mga empleyado, professional experience, contact details, physical address at ibang kailangang datos. Beripikahin ang kanilang web address na karaniwang dapat nagsisimula sa “https” at hindi “http” o “www”. Huwag agad magpabola sa pangakong nakapaloob sa isang job offer tulad ng napakataas na sahod at mga benepisyong tulad ng insurance, education at iba pa. Kung walang website, baka scam ang job offer.
Karaniwan, kung lehitimo ang kumpanya, dapat merong tao dito na nakakausap o nakakaugnayan dito ng aplikante na nakatanggap ng job offer.
Ipinapayo rin na huwag magbigay ng personal information sa aplikasyon sa trabaho. Ibinibigay lang ang ganitong mga impormasyon kapag nakuha ka na o natanggap ka na. Suriin ang email address na ginagamit ng kumpanyang nagbibigay ng job offer. Kadalasan ang mga lehitimong kumpanya ay merong company specific email address tulad ng “@kalibrr.com” sa halip na generic at free “@gmail.com” o “@yahoo.com” halimbawa. Kung ang job offer ay ipinadala sa pamamagitan ng free email account, maaaring panloloko lang ito.
Ayon sa ibang eksperto, kadalasang nilalaman ng job offer ang terms and conditions, posisyon, job description, mga tungkulin at responsibilidad, allowances, suweldo, perks, benefits, bonuses, time-off and leave, oras ng trabaho, schedule or shift, reporting manager’s name and title, petsa ng unang araw ng trabaho, haba ng panahon ng trabaho o contract period, lugar ng trabaho at ibang mahahalagang detalye sa trabaho.
Kung makakatanggap ka ng sulat mula sa inaaplayang kumpanya, dapat nakasaad dito ang telephone number at address ng kumpanya at malinaw at maayos ang company logo. Ang anumang opisyal na job offer ay dapat nakasulat sa company letterhead na kinabibilangan ng logo at contact information.
Iwasan hangga’t maaari ang job offer na pagbabayarin ka ng kung ano-ano tulad ng sa visa, training o software halimbawa. Ang mga lehitimong kumpanya ang sumasagot sa mga gastusin. May mga pagkakataon din na may mga nakakatanggap ng job offer kahit hindi naman nila inaaplayan ang trabaho. Ito pa lang ay babala na sa magiging biktima ng illegal recruitment.
Meron ding mali kapag mabilis kang nakatanggap ng job offer. Kahit kahanga-hanga ang nilalaman ng iyong resume, gugustuhin muna ng lehitimong employer na mainterbyu ka. Ang mga lehitimong kumpanya ay merong mga hiring staff (tulad ng sa human resources department) na naghahanap ng magaling na tauhan sa pamamagitan ng mga proseso ng interview. Kung walang interbyu, nililimitahan nila ang personl na pagharap sa mga aplikante. Kung sakaling merong interview at meron ka namang mga tanong na ayaw sagutin ng interviewer, posibleng meron silang itinatago. Karaniwan ngayon na makikita ang maraming malalaki at kilalang kumpanya sa social media tulad ng Facebook, Instagram, at LinkIn kaya, kung hindi makita rito ang kumpanyang nagbibigay ng job offer, posibleng peke ito o walang ganitong kumpanya.
Huwag buksan ang mga attachment na pinapa-download ng mga matatanggap na personal email na merong job offer dahil malamang meron itong malware na kokolekta ng mga personal mong impormasyon.
Isa pang mahalagang tandaan, magiging makatotohanan at opi-syal ang job offer kapag nakasulat na ito sa papel. Puwede ka nang makipagnegosasyon sa employer kapag printed na ito na kinapapalooban ng mga kailangang detalye.
* * * * * * * * *
Email – rmb2012x@gmail.com