Nang humupa ang baha sa Laurel, Batangas matapos ang pananalasa ng Bagyong Kristine noong nakaraang linggo, natambad ang maraming troso at iba pang mga kahoy na nakahambalang sa ilog at maski sa mga kalsada. Sa pagkakaputol ng mga kahoy, halatang namamayani ang illegal logging activities sa probinsiya. Ang mga kahoy batay sa itsura ay nakahanda nang tistisin pero biglang dumating ang bagyong Kristine at tinangay ng baha. Isang paraan marahil ng kalikasan para malantad ang illegal logging sa Batangas.
Halos ganito rin ang nangyari sa Agoncillo, Batangas na maraming kahoy ang inanod at dinala sa mga kalsada para makita nang nakararami. Bukod sa pagbaha na nanalasa sa Agoncillo, nagkaroon din ng landslides sa nasabing bayan at maraming bahay ang natabunan. Kalunus-lunos ang sinapit ng mga nawalan ng bahay.
Naguho ang bundok sa Agoncillo at grabeng bumaha dahil wala nang mga puno. Nakalbo kaya wala nang ugat na naghahawak sa lupa. Kapag umulan nang tuluy-tuloy, tiyak na magla-landslide dahil sinahod ng bundok na walang kahoy.
Marami nang pangyayari na naguho ang bundok dahil sa illegal logging at iba pang aktibidad na sumisira sa likas na yaman.
Noong Nobyembre 2022, nagkaroon ng landslides sa Maguindanao del Norte kung saan maraming bahay ang natabunan na ikinamatay ng 100 katao. Nanalasa rin ang bagyo at lumambot ang lupa sa bundok dahilan para gumuho. Wala ring puno sa mga bundok sa nasabing probinsiya.
Ang pinakamalagim na pagguho ng bundok ay nangyari sa Bgy. Guinsaugon, St. Bernard, Southern Leyte noong Pebrero 2006. Namatay ang 1,500 katao. Inilibing ang mga residenteng nasa paanan ng bundok. Ang walang tigil na pag-ulan ang sinasabing dahilan ng pagguho ng bundok sa Guinsaugon. Kinalbo rin ng illegal loggers ang bundok.
Naubos na ang mga kahoy dahil sa illegal logging at pagka-kaingin. Wala nang kinakapitan ang lupa sa mga bundok kaya sa pag-ulan, guguho ito at aagos ang putik at mga bato at ililibing nang buhay ang mga naninirahan sa paanan ng bundok.
Ang kawalan din ng mga puno ang dahilan nang mga mapaminsalang baha. Wala nang mga ugat na sumisipsip sa tubig kaya patuloy ang pagbaha. Wala nang humaharang sa mga bundok.
Magpapatuloy ang ganitong trahedya kapag walang ginawang aksyon ang Department of Environment and Natural Resources at local government units. Isulong ang pagtatanim ng mga puno sa bundok at gubat para maiwasan ang pagbaha at pagguho ng lupa.