Matutuluyan na ba si Digong?

Noong araw pa iniaanunsyo ni dating Senador Trillanes na malapit nang dumating ang mga kagawad ng International Criminal Court (ICC) upang dakpin si dating Presidente. Lahat ng mga gustong matuluyan si Duterte (kasama ako diyan) sa kasong crime against humanity ay naghintay. Walang dumating.

Umabot pa sa puntong nakapag-organisa ang dating Pangulo ng rally na kumokondena kay President Bongbong  Marcos. Nakagawa pa ng intriga sa pamamagitan ng nag-viral na video ng isang kahawig ni Bongbong na sumisinghot ng pulburon o cocaine.

Ni wala tayong naririnig ni kaputok na reaksyon ng ICC hinggil sa pag-aresto kay Duterte. Hanggang sa tuluyang mabuwag ang Unity team nina Presidente Marcos at VP Sara Duterte na nagbitiw sa pagka-Education Secretary. Nasaan na ang ipinamamaraling ICC ni Trillanes?

Dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Duterte at inamin, kasabay ng walang puknat na pagmumura na iniutos niya talaga ang pagpatay sa mga kriminal na sangkot sa droga. Sinabi pa na wala siyang pinagsisisihan at handa siyang managot sa kanyang ginawa na sa ganang kaniya at tama.

Ngayon, sinasabi ni Trillanes na ang confession ni Duterte ay napadala na sa ICC upang patibayin ang kaso laban sa dating Pangulo. Sabi rin ng iba pang Kongresista, ang pahayag ni Duterte ay matibay na ebidensya upang masentensyahan siya ng ICC. Hanggang kailan maghihintay ang mamamayan?

Bakit nga ba hindi pa ipagsakdal sa ating Korte si Duterte gayung paulit-ulit na sinasabi ng ating mga leader na may sarili tayong hudikatura dapat lumitis sa kanya? Si Duterte mismo ang nagsabi na idemanda siya. Nagtatanong lang po.

Show comments