Paninirang puri sa kasamahan sa trabaho

Magkasama sa trabaho sina Mar at si Luisa. Mas mataas ang posisyon ni Luisa kay Mar. Minsang hiniram ni Mar kay Luisa ang kanyang 201 file, isinauli niya ito makaraan ng tatlong araw at may nawala pang mga dokumento.

Kaya sa utos ng nakatataas kay Luisa, pinadalhan niya ng memorandum si Mar at pinagpapaliwanag ito kung bakit may nawawalang papeles.

Nagalit si Mar. Sinigawan niya si Luisa at sinabing ‘‘P...ina... bullshit... kasabay ng pagbagsak ng upuan sa harap ng babae.

Sinakal din niya si Luisa at kung hindi naawat ng security guard, baka grabe ang nangyari sa babae.

Idinemanda ni Luisa si Mar ng paninirang-puri (slander by deed).

Bilang depensa, sinabi ni Mar na ginalit lang siya ni Luisa kaya siya nakakilos ng ganoon. Hindi naman daw ang 201 file niya ang kanyang hiniram kundi ang service record niya.

At wala raw ang hinahanap na dokumentong nawawala roon sa hiniram niya.

Ngunit hindi tinanggap ng mababang hukuman ang paliwanag ni Mar. Ayon sa hukuman, talagang nagkasala si Mar dahil sa kahihiyan at paninirang-puri na ginawa niya kay Luisa.

Pinatawan si Mar ng pinakamataas na parusa sa krimeng slander by deed dahil sa isang sirkumstansyang nakapagpagrabe rito — ang paninirang-puri sa isang babae.

Tama ba ang mababang hukuman?

Tama ang desisyon ng mababang hukuman na si Mar nga’y may sala ng slander by deed dahil sa ginawa niya kay Luisa.

Ngunit mali ito sa pagpataw ng pinakamataas na parusa dahil lang sa ang nasiraang puri ay isang babae.

Hindi dahil babae ang biktima ay nangangahulugang may sadyang pang-aapi o pang-iinsulto sa pagkababae niya. Kailangang patunayang ito’y sadyang ginawa.

Sa kasong ito, walang ebidensiyang sinadya ni Mar na apihin at insultuhin ang pagkababae ni Luisa. Nagawa lang niya ang pagsigaw at pagsirang-puri dahil sa galit.

Kaya dapat multahan lang si Mar. (Mar vs. Court of Appeals G.R. No. 127694 May 31, 2000)

Show comments