‘Bulakbol cops’, puwera na sa NCRPO!—Hernia

Bilang na ang mga araw ng tinatawag na “bulakbol” cops sa Metro Manila. Sa programang inilunsad ni NCRPO chief Maj. Gen. Sidney Hernia na E-Gov Super App, mahu­huli­ na ang mga pulis na nagbubulakbol. Ang tinutukoy ko mga kosa ay itong mga pulis na pagkatapos mag-check atten­dance­ ay sasakay sa kanilang motor at lilisanin na ang duty area nila. Babalik lang ang bulakbol cops sa deployment area nila kapag oras na namang muli ng pagdalaw ng taga-check ng attendance nila. Get’s n’yo mga kosa? Subalit sa bagong programa ni Hernia, hindi lang pinaunlad nito ang response time ng kapu­lisan at reporting ng krimen kundi mababantayan din ang mga naka-deploy na pulis sa commercial at crime-prone areas sa Metro Manila. Mismooooo! Kapag walang bulakbol cops na sa Metro, magdadalawang-isip din ang mga kriminal na tumira dahil t’yak sa kulungan ang bagsak nila. Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!

Inaamin naman ni Hernia na maikli na lang ang panahon n’ya na manatili sa Philippine National Police kaya’t minabuti n’yang gumawa ng mga proyekto at programa para masabi man lang na may iniambag din s’ya sa PNP. Dipugaaaaa! Kaya’t kahit wala pa s’yang tatlong linggo bilang hepe ng NCRPO, kung anu-anong programa para makinabang ang PNP at komunidad sa Metro Manila ang inilunsad n’ya. Sa kanyang “Meet and Greet” with media­ and vloggers nitong Lunes, inilunsad ni Hernia ang E-Gov Super App kung saan mapadali na ang pag-report ng komu­nidad sa mga nangyayaring krimen, at maging ang response time ng kapulisan. Isang pindot lang sa mobile phones at presto ….makarating na ang krimen sa limang distrito ng NCRPO. At higit sa lahat, makakarating kaagad ang report sa pina­kamalapit na police station na kaagad-agad magres­ponde ang mga ito. Abayyyyy! Napakagaling naman ng naisip nitong si Hernia. Sanamagan! Get’s n’yo mga kosa? Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?

Kasama ni Hernia sa paglunsad ng bagong apps ng NCRPO ang mga hepe ng police districts na sina MPD director Brig. Gen. Tom Ibay; QCPD director Col. Bong Buslig­, EPD director Col. Villamor Tulliao, SPD director Brig. Gen. Bernard Yang at NPD director Col. Josefino Ligan. Silang lahat ang mangangasiwa sa mga programa ni Hernia sa Metro Manila, lalo na itong “Anti-Crime Super App,” na nasa dry run stage pa lang. Ayon kay Hernia, sisikapin n’yang maging operational, sa tulong ng Department of Information and Communication Technology, itong anti-crime app bago mag-Disyembre. Alam n’yo naman mga kosa na sa panahon ng Pasko, umaangat talaga ang bilang ng krimen kahit saan kang sulok ng Pinas kaya’t nasa timing itong proyekto ni Hernia. Dipugaaaaa! Hehehe! Puro pang PNP chief na itong programa ni Hernia ah?

Narito ang dapat katakutan ng bulakbl cops sa anti-crime program ni Hernia. Kapag na-assign sila sa isang lugar sa Metro, hindi sila puwedeng umalis dahil isang pindot lang ni Hernia sa app ay mabubuking na sila. Lahat ng naka-assign sa isang puwesto, ay ililista ang fone number at puwedeng tawagan sila. Kaya’t sinisiguro ni Hernia sa Metro Manilans na hindi mawwalan ng pulis sa kapaligiran nila. Hindi naman parusa itong anti-crime app ni Hernia dahil makikita kung sinong pulis ang palaging nagreresponde sa kriminalidad at may nakalaang din premyo sila. Eh di wow! May 5,000 ng pulis ang nakadeploy sa crime-prone areas ng Metro at balak ni Hernia na dagdagan pa sila. Aangat ang imahe ng PNP dito sa mga programa ni Hernia. Abangan

Show comments