Mga dinastiya at pasikat, papasa pa ba sa Halalan 2025?

May mga aktor tulad ni Aljur Abrenica at mga influencer kagaya ni Rosmar Tan na gumulat sa marami dahil sa pagkandidato nila sa susunod na eleksyon.
News5/Jimjim Hipolito at The Philippine STAR/Edd Gumban

Nandito na naman tayo, mga KasamBuhay! Nakakalungkot na "circus" na lamang ang ginagamit para tawagin ang filing of candidacy at eleksyon sa 'Pinas. Pero gaya nga ng sabi ng iba, magsisimula lang ang pagbabago kung aaminin natin kung ano ang dapat baguhin.

Pero aminin man natin o hindi, ang pagbaba ng kalidad ng mga hinahalal natin bilang opisyales ay maraming masamang epekto na hindi agad bumubungad. Isa na rito ang "circus" na tumambad sa atin kamakailan lamang.

Sa loob ng 8 araw na itinakda ng Comelec bilang filing period, nagsisulputan para kumandidato ang ilang mga artista (o dating artista), kamag-anak ng artista, kamag-anak ng politiko, at maging mga social media influencer at vlogger.

May mga aktor tulad ni Aljur Abrenica at mga influencer kagaya ni Rosmar Tan na gumulat sa marami dahil sa pagkandidato nila sa susunod na eleksyon.


Hindi ba parang may mali? Nakakalito at nakakaalarma. Bakit naman gugustuhin ng mga personalidad tulad ng mga artista at influencers na mahalal sa serbisyo publiko? Tingin ba nila ganoon na lamang kadali ang trabaho ng mga politiko, o ang mas nakakaalarma, alam nilang ganoon lang kadali ang manalo.

Siyempre, nariyan din ang mga anak, kapatid, pinsan, at iba't ibang kamag-anak ng mga politiko. Minsan, may ibang hindi lang nagpapalitan sa posisyon, may mga nagsasabay-sabay pa!

Kasama ni Las Piñas Representative Camille Villar sa pagpasa ng certificate of candidacy para sa Halalan 2025 ang kaniyang ama, dating Senador Manny Villar, at kasalukuyang Senador na si Mark Villar.
The Philippine STAR/Ryan Baldemor

Takaw-pansin din ang dumadaming party-list groups na nagpapaligsahan para magkaroon ng representasyon sa Kamara – ayon sa Comelec, nasa 189 ang nakapagpasa ng kanilang certificate of candidacy. Dahil sa pinaka-simpleng tungkulin ng mga party-list bilang kinatawan ng mga sektor na nangangailangan ng boses, mahalaga ang tungkulin ng mga grupong ito. Ngunit kung iisa-isahin natin, nakasisiguro ba tayo na bayan at hindi bulsa ang nasa agenda ng mga kandidato dito?

Una'y tinatakbuhan ang batas, ngayon ay tumatakbo na sa posisyon. Ang maaaring pinakamalala sa usaping ito ay 'yung mga nadadawit o mismong napangalanan na bilang mastermind sa mga krimen, sila pa mismo ang may lakas ng loob na kumandidato. Tila pakiramdam nila, isang malaking biro na lamang ang pagiging halal na opisyal, at instrumento lamang para baluktutin ang batas.

Mga kaibigan, mga KasamBuhay, patunayan natin na mali sila. Sana'y hindi po natin makalimutan, gaano man ka-charming ang ating mga paboritong artista-turned-aspiring-politiko, at gaano man kagaling ang makinarya ng mga dinastiya, na ngayon mismo ay kailangan natin ang the best of the best sa liderato ng ating bansa. Hindi pa kumpleto ang ating pag-ahon mula sa pandemya, at mataas ang tensyon sa pagitan ng iba't ibang mga bansa. Kung gusto natin ng sabay-sabay na pagbangon at kasaganahan, nagsisimula 'yan sa kung sino ang pagkakatiwalaan natin para bumuo ng batas, polisya, at mga pampublikong inisyatibo.

Nararapat ba talagang ilagay natin ang kapakanan ng ating bansa sa mga personalidad na hindi tayo sigurado sa karakter at kapasidad?

Kung magiging patas tayo, hindi naman siguro dapat lahatin kapag sinasabi nating "walang nagawa" ang mga artistang naging politiko, o mga dinastiya. Paminsan-minsan ay mas magaling pa sila sa inaakala natin. 'Yun nga lang, mas madalas ay pagkabigo lang ang napapala natin. 

Sabay-sabay na naghain ng certificate of candidacy sina Ate Vi – bilang gobernador ng Batangas – kasama ang kanyang dalawang anak: Luis Manzano para Vice Governor, at Ryan Recto para 6th District Representative. Kasama sa filing nila si Finance Secretary Ralph Recto.
Luis Manzano via Facebook

Pero kung ang pagtakbo sa posisyon ay isang karapatan na gawad sa atin ng Konstitusyon, huwag nating kalilimutan na kaakibat nito ang malayang pagboto.

Ang pribilehiyong ito ay napakahalaga dahil mas malaki ang impluwensya nito sa anumang dinastiya o dating artista na ang nais lamang ay gamitin ang kanilang yaman o pagkasikat para mas yumaman at sumikat pa.

Sana ngayon, kayanin naman nating maging hindi lamang manonood sa "circus" na ito, kundi ay iparinig ang ating pangangailangan at kagustuhang magkaroon ng mga nararapat na halal na lider. Kung iisipin ay tayong lahat din ay may pananagutan sa kung ano ang magiging itsura ng kinabukasan natin.

Dalawa sa aking anak ang pwede nang bumoto sa susunod na taon. Bilang magulang nila, naniniwala ako na isa sa mga mahalagang tungkulin ko ang masigurong naiinitindihan nila ang kahalagahan ng karapatan nilang bumoto. Hiling ko naman na kaya rin itong seryosohin ng ating mga kapwa magulang. Kung hindi natin kayang iwan ang isang sistemang mabuti para sa kapakanan nila, sana'y maturuan man lang natin sila kung paano ayusin ito.

Sa kabila ng lahat, optimistic pa rin ako sa henerasyon ng ating mga anak. Kahit minsan ay nakakahilo at parang sobra na ang 24/7 news cycle na naging dulot ng digital media, nakikita natin ngayon na mas mapagmasid at mas aktibo na pagdating sa usaping politika ang kabataan. 

Para sa akin, oportunidad ito para mahubog sila bilang simula ng henerasyon mga mas matalinong botante.

Sa susunod na eleksyon, 18,000 na posisyon ang pagbobotohan sa buong bansa mula sa national hanggang sa local level. Nararapat siguro na ituring natin ito bilang hamon, partikular na para sa susunod na henerasyon: ipakita nating hindi na natin papalampasin ang mga dinastiya at pasikat. Sana'y ang maging sigaw ng taongbayan, mahalal ang makabagong uri ng lider na nararapat, matalino, at totoong may malasakit.

------ 
I-follow ang aking social media accounts JingCastaneda InstagramFacebookYouTubeTiktok and Twitter. Ipadala ang inyong mga kuwento at suhestiyon sa editorial@jingcastaneda.ph.

Show comments