Babae sa Canada, natagpuang patay sa oven ng pinagtatrabahuhang superstore!
Isang 19-anyos na trabahador ng Walmart superstore ang natagpuang patay sa loob ng walk-in oven sa Novia Scotia, Canada.
Ayon sa report, natagpuan ang sunog na katawan ni Gursumran Kaur ilang oras bago ito nireport na nawawala at ayaw sumagot sa cell phone. Ang nakadiskubre sa sunog nitong katawan ay ang kanyang ina na nagtatrabaho rin sa naturang superstore.
Sa panayam sa Halifax Regional Police, nakatanggap sila ng tawag mula sa Walmart na nasa 6990 Mumford Rd. bandang 9:30 ng gabi. Pagkaresponde ng mga pulis, natagpuan ang katawan ni Kaur sa malaking walk-in oven sa bakery department ng supertore.
Napag-alaman na si Kaur at ang kanyang ina ay nagtatrabaho sa naturang branch ng Walmart simula pa noong 2022.
Bago madiskubre ang kalunos-lunos na kinahinatnan ni Kaur, sinubukan ng ina nito na hanapin ito matapos hindi makita ng ilang oras. Nagtanung-tanong ang ina nito sa kanilang mga kasamahan at sinubukan itong tawagan ngunit nakasara ang cell phone nito.
Nag-panic ang ina ni Kaur dahil hindi karaniwan para dito na patayin ang kanyang cell phone habang sila ay nasa trabaho. Ayon sa mga awtoridad noong Martes, hindi pa kumpirmado kung paano nakulong sa oven si Kaur kaya patuloy ang imbestigasyon.
Si Kaur at ang kanyang ina ay nagmula sa India at ilang taon pa lamang sila nakatira sa Canada. Ang kanyang ama at kapatid ay nasa India, at nagtutulungan ang kanilang mga kaibigan at kamag-anak upang madala ang mga ito sa Canada. Sa ngayon, nakalikom na ng $75,000 Canadian dollars para makatulong sa kanilang pamilya.
Sa panayam sa Walmart ng NBC News, inanunsyo ng mga ito na pansamantalang sarado ang naturang branch hanggang sa karagdagang abiso. Sinabi rin ng Nova Scotia Department of Labour, Skills and Immigration na nag-isyu ito ng stop-work order para sa bakery.
- Latest