EDITORYAL - Maghanda sa pagdami ng kaso ng leptospirosis!

Lumubog sa baha ang maraming lugar sa bansa dahil sa pananalasa ng Bagyong Kristine. Bumaha sa Bicol Region, Calabarzon, National Capital Region at Northern Luzon. Maraming tinangay ng agos at may mga nalunod. Nagsipuntahan sa bubong ng kanilang bahay ang mga residente para makaligtas sa bangis ng baha. Ang lubhang nakapagtataka, mabagal bumaba ang baha. Hanggang sa kasalukuyan, may baha pa rin sa ilang bayan sa Batangas, Laguna at Cavite. Ayon sa mga residente, hindi naman ganito ang sitwasyon kapag bumabaha dulot ng bagyo. Anila, ilang oras lang makaraang bumaha ay humuhupa na. Ngayon ayon sa mga residente, dalawang araw na ang nakalilipas ay malalim pa ang baha. Mabagal anila ang pagbaba ng tubig baha.

Ang bagong kinatatakutan ngayon ay ang pagdami ng kaso ng leptospirosis. Kung mabagal ang paghupa ng baha, napakadelikadong lumusong sapagkat ma­aring kontaminado ng ihi ng daga na pinagmumulan ng leptospirosis. Kung ang lulusong sa baha ay may sugat sa paa, binti, hita at singit, posibleng dito puma­sok ang virus na leptospira. Kapag hindi naagapan, sisirain ng virus ang kidney at kailangang magpa-dialysis. Ma­bagsik ang virus. Kadalasang dalawang linggo ang tina­tagal bago magpakita ang mga sintomas ng leptospirosis.

Nang manalasa ang Bagyong Carina noong Hulyo na nagdulot ng baha sa Metro Manila at karatig probinsiya, maraming tinamaan ng leptospirosis. Dumagsa sa National Kidney Institute at San Lazaro Hospital ang mga taong may sintomas ng leptospirosis. Napuno ng pasyente ang dalawang hospital at kinulang ang nurses at doctors. Lumutang ang sintomas ng leptospirosis, dalawang linggo makaraan ang pana­na­lasa ng Bagyong Carina.

Ayon sa Department of Health (DOH), may naitala nang 2,115 kaso ng leptospirosis sa buong bansa at apat na ang namamatay. Ang pagdami ng leptospi­rosis ang nag-udyok kay Health Secretary Ted Herbosa para hilingin sa mga lokal na pamahalaan na magpasa ng isang ordinansa na mahigpit na magbabawal sa paliligo sa baha. Kung may ordinansa, hindi na raw darami ang kaso ng lepto at hindi na mahihirapan ang DOH na tugunan ang mga kaso.

Tiyak na darami na naman ang kaso ng leptospirosis sa pananalasa ng Bagyong Kristine at ito ang dapat paghandaan ng DOH. Maglaan na sila ng mga emergency rooms sa mga ospital para sa mga pasyen­teng isusugod. Mas mabuti na ngayon pa lamang ay mag­handa na para hindi mataranta sa dagsa ng pasyente.

Show comments