Gusto ko pong ipahayag ang pakikiisa ng Makati sa lahat ng mga kababayang naapektuhan ng Bagyong Kristine noong Oktubre 23. Sa gitna nang malalakas na ulan, pagbaha, at mga landslide, muling ipinakita ng Makati ang ating diwa ng bayanihan at mabilis na aksyon. Alam nating lahat na sa mga ganitong panahon, ang mabilis na pagtugon ay napakahalaga.
Agad tayong nagpadala ng mga trained and experienced personnel mula sa Makati Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) upang tumulong sa mga rescue at relief operations sa Bicol Region. Mahigit 27 tauhan ang unang nadeploy natin, kasama ang kumpletong kagamitan para sa Water Search and Rescue. May dala silang rubber boats, steel boats, high-angle search and rescue equipment, at mga personal protective equipment. Ang mga tauhan natin ay may apat na rescue vehicles, dalawang basic life support ambulances, at isang canter truck para siguradong mabilis ang kanilang pagtugon.
Habang patungo ang isang team sa Bicol, tumugon din tayo sa isang emergency call mula sa Lemery, Batangas. Nag-deploy tayo ng isa pang rescue team doon, at bukod pa rito, nagpadala rin tayo ng karagdagang 22 Search and Rescue personnel sa Cuenca, Batangas, kasama ang tatlong response vehicles, isang rescue truck, at isang ambulansya. Handa ang ating mga tauhan na makipagtulungan sa local officials upang mabilis na makatulong sa mga kababayan nating nangangailangan.
Kasunod nito, agad din nating ipinadala sa Cuenca ang Mobile Kitchen kasama ang mga kawaning trained sa paggamit nito para masiguro na may mainit na pagkain ang mga apektado ng kalamidad, pati na ang rescuers at volunteers. Tinuruan nila ang mga tagaroon upang maipagpatuloy ang pagluluto at makapagbigay ng suporta sa mga residente. Hindi lamang pisikal na tulong ang ating iniaalok kundi pati na rin ang emosyonal na suporta sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pangunahing pangangailangan.
Hindi rin natin nakaligtaan ang ating mga kababayan dito sa Makati. Bilang bahagi ng ating preemptive measures, agad nating inilikas ang mga residente mula sa ilang barangay upang masigurong ligtas sila mula sa posibleng pagbaha. Sa kasagsagan ng bagyo, inilikas natin ang 34 na pamilya mula sa Bgy. Pio del Pilar, 35 pamilya mula sa Bgy. Palanan, 34 pamilya mula sa Bgy. San Antonio, at 8 pamilya mula sa Bgy. Bangkal. Matapos bumuti ang sitwasyon, agad namang nakabalik sa kanilang mga tahanan ang mga pamilyang inilikas, at masaya rin nating isinara na ang evacuation center sa Bgy. Olympia.
Hindi rin natin kinalimutan ang mga alaga ng evacuees. Ang Makati Veterinary Services Department, katuwang ng DRRMO at Social Welfare Department, ay tumulong din sa pet owners. Namahagi tayo ng pagkain para sa kanilang mga alaga, leash, harness, at poop bags para tiyakin na hindi rin napapabayaan ang kanilang mga alagang hayop.
Sa mga ganitong pagkakataon, kailangang magtulungan tayo bilang isang bansa. Laging handa ang Makati na tumulong, hindi lamang sa ating mga residente kundi pati sa mga lugar na nangangailangan.
Sa ngalan ng buong Lungsod ng Makati, taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng ating frontliners at responders na walang pagod na nagtatrabaho para sa kaligtasan ng lahat. Sama-sama, babangon tayo mula sa anumang unos.
Mag-ingat po tayong lahat at patuloy na manatiling ligtas.