Sa pag-uusisa ng Senado kay Apollo Quiboloy hinggil sa mga akusasyon sa kanya, ang sagot niya ay maghain na lang ng pormal na kaso laban sa kanya. Hindi ba alam ni Quiboloy na siya ay ipinaaresto ng Pasig court dahil sa kasong pang-aabuso sa mga menor-de-edad at sex trafficking? Bakit siya naghahamon sa mga umaakusa sa kanya na idemanda siya gayung nakademanda na nga!
Sa lahat nga ng tanong ni Sen. Risa Hontiveros na nangunguna sa komiteng nagsisiyasat “in aid of legislation”, ang sagot ni Quiboloy ay laging “I invoke my right to remain silent” dahil may kaso nang nakahain sa kanya. Tama naman siya.
Ngunit wala sa hulog na maghamon siya sa mga nag-aakusa sa kanya na ihabla siya. Marahil ay gulung-gulo lang ang isip niya kaya nagkakaganoon. Marahil, hindi inaasahan ni Quiboloy na naabot siya sa puntong pagtataguan ang batas hanggang mahuli at makulong.
Mantakin mo nga naman ang malaking dagok sa kanya na isang religious leader na bantog sa buong mundo na maharap sa ganyang mga asunto? Hindi lang sa Pilipinas kundi sa U.S. na doo’y idineklara siyang “most wanted” by FBI sa kasong sex trafficking at abuse of minors. Noong 2021, naharap na si Quiboloy sa indictment ng U.S. Federal Grand Jury.
Hindi ito trial by publicity. Nagkataon lang na isa siyang prominenteng tao na naharap sa ganitong mga akusasyon at demanda kaya natural lamang na ma-playup nang husto sa mass media.
Quiboloy is still presumed innocent until proven guilty, kaso sa laki ng issue laban sa kanya, hindi puwedeng iwasan na ito’y malantad sa buong daigdig. Ngunit sabi nga, walang taong nakahihigit sa batas at ang sinumang nagkasala ay dapat managot matapos mapatunayan ang pagkakasala.