EDITORYAL - Asam na proteksiyon sa mga mamamahayag
NOONG Martes, nakaupo sa harapan ng isang tindahan sa Bgy. Tumaga, Zamboanga City ang babaing mamamahayag na si Maria Vilma Rodriguez, 56, nang lapitan ng isang lalaki at malapitang binaril ganit ang kalibre 38. Tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Rodriguez. Mabilis na tumakas ang suspek dala ang ginamit na baril. Isinugod sa ospital ang mamamahayag subalit dead on arrival ito. Si Rodriguez ay reporter ng Brigada Station at host ng public affairs program ng 105.9 EMedia Radio. Hinahanap ng mga awtoridad ang suspek.
Kinondena ng Malacañang ang pagpatay kay Rodriguez at ipinag-utos ang pag-iimbestiga sa pagpatay at mabilisang paghuli sa suspek. Si Rodriguez ang ikalimang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng termino ni President Ferdinand Marcos Jr.
Noong Setyembre 18, 2022, pinatay ang radio broadcaster na si Rey Blanco ng Mabinay, Negros Oriental. Pinagsasaksak siya habang patungo sa pinaglilingkurang radio station. Hindi pa nahuhuli ang killer ni Blanco.
Noong Okt. 3, 2022, binaril at napatay ang veteran broadcaster na si Percy Lapid habang patungo sa kanyang tanggapan sa Talon Dos, Las Piñas. Hindi pa naaaresto ang “utak” sa pagpatay na si dating Bureau of Correction (BuCor) director Gerald Bantag.
Noong Mayo 31, 2023, binaril at napatay ang broadcaster/commentator na si Cresenciano Bunduquin ng Bgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro. Binubuksan ni Bunduquin ang kanyang sari-sari store nang pagbabarilin ng isang lalaking nakamotorsiklo. Hindi pa nalulutas ang kaso.
Noong Nobyembre 5, 2023, pinagbabaril ang radio broadcaster na si Juan Jumalon sa Calamba, Misamis Occidental. Hindi pa nahuhuli ang pumatay kay Jumalon.
Ang pinakakarumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay naganap noong Nobyembre 23, 2009 sa Maguindanao kung saan 32 mamamahayag ang walang awang pinagbabaril kasama ang supporters ng isang kandidato. Nakakulong na ang magkakapatid na Ampatuan na “utak” ng krimen subalit mayroon pang nakalalaya hanggang sa kasalukuyan.
Noong nakaraang buwan, pinangako ni Marcos Jr. na puproteksiyunan ang mga mamamahayag. Sinabi niya ito nang magtalumpati sa 50th anniversary ng Publishers Association of the Philippines, Inc. Dodoblehin aniya ng pamahalaan ang pagsisikap para mapangalagaan ang mga Pilipinong mamamahayag. Binibigyang halaga umano ng pamahalaan ang mga mamamahayag bilang bantay ng komunidad at tagapagtanggol ng kalayaan sa pamamahayag.
Magkaroon sana ng katotohanan ang pangako na pangangalagaan ang mga mamamahayag. Isilbi ang katarungan sa mga pinaslang. Dakpin ang “utak”.
- Latest