BAWASAN ang mga bituin sa kalawakan. Ito sa wari ko ang panukala ni bagong DILG Sec. Jonvic Remulla kay Presidente Bongbong Marcos.
Nais ni Remulla na bawasan ang bilang ng mga heneral sa Philippine National Police (PNP) mula sa 133 ay gawin na lang 25. Katwiran ni Remulla, maraming naturingang heneral sa PNP pero wala namang pinamumunuang command o opisina. Kung totoo iyan, praktikal lang talagang bawasan ang bilang ng star officials.
Ngunit bakit kaya umabot ng sandamakmak ang bilang ng mga heneral? Malamang, palakasan o bayad sa pabor ng mga opisyal na nagawa sa kanilang nakatataas. Iyan ang “general problem” sa ating sistema. Iyang tinatawag na bata-bata system.
Pino-promote kahit walang departamentong pamumunuan. Para sa ibang nakikinabang sa ganyang kalakaran, ayos lang na walang command na pinamumunuan.
Ang mahalaga, anila ay ang estrelya sa kanilang balikat at siyempre, yung karagdagang benepisyong makakamtan nila. At kapag nagretiro na, mas malaki ang benepisyong tatanggapin.
Kaya bright idea ang panukala ni Remulla. Bakit nga naman kailangang mag-promote ng heneral kung wala namang pamumunuang departamento?
Maski papaano, makatitipid ang pamahalaan. Mantakin mo na may pinasasahod na 133 generals ngayon na hindi naman kailangang gawing heneral?