NOONG Lunes, ginanap ang ating ikaanim na State of the City Address (SOCA), kung saan inilahad natin ang mga nagawa sa ikalimang taon ng ating administrasyon.
Gaya ng ating mga nagdaang SOCA, sumentro ang ating pag-uulat sa mga serbisyong ibinibigay natin at sa mga programang inilatag natin para sa QCitizens.
Gaya ng mga nagdaang taon ng ating administrasyon, mahigit kalahati ng ating taunang budget ay inilaan para sa social services.
Ngayong 2024, mahigit kalahati ng P39 bilyong pondo ay napunta sa kalusugan, edukasyon, kabuhayan at pabahay.
Malapit sa puso ko ang pabahay dahil bahagi ito ng aking layunin na mabigyan ng katiyakan sa paninirahan ang QCitizens.
Sa limang taon ko bilang Mayor, nakapagbigay na tayo ng pabahay sa 27,887 pamilya. Ito’y halos kalahati ng pabahay na naipamigay ng lahat ng nakaraang administrasyon mula noong 1986.
Bumili na rin ang pamahalaang lokal ng mahigit 2,669 condominium units sa Urban Deca Homes sa Commonwealth para sa rental housing program ng siyudad.
May binili pa tayong dagdag na 51,712-square meter na lote mula sa Manila Remnant Company at Mega East Properties para sa pabahay at relokasyon ng mahigit 800 pamilya.
Sa kalusugan, nakatuon tayo sa pag-enroll ng mas maraming QCitizens sa PhilHealth upang makakuha sila ng serbisyong medikal gaya ng konsultasyon, health risk screening, lab tests at mga gamot sa pamamagitan ng PhilHealth Konsulta providers.
Sa kabuhayan naman, nakapagbigay na ang ating Pangkabuhayan QC program ng P73 milyong puhunan sa mga benepisyaryo nito ngayong taon.
Mula nang ito’y ipatupad, mahigit 60,000 QCitizens, kabilang ang micro-entrepreneurs, solo parents, OFWs, PWDs, at mahihirap nating residente, ang nakatanggap ng kabuuang P624 milyon na tulong pampuhunan.
Hindi sapat ang espasyo ng kolum na ito para banggitin ang lahat ng ating natamo sa ating ikalimang taon bilang mayor.
Ngunit tiwala ako na sa ating pagkakapit-bisig, hindi lang natin matatapatan ang ating nagawa, kundi hihigitan pa sa susunod na taon.